SA pagsilip natin sa lakas ng lindol na naganap sa Turkey, kasama ang Syria, kamakalawa lang at sa lindol na nakilalang Baguio quake sa Pinas noong Hulyo 16, 1990, pareho sila.
Tingnan ninyo, mga Bro.
Sa lakas, pareho silang naglaro sa magnitude 7.8.
Sa lalim o parteng gumalaw sa ilalim ng lupa, halos pareho.
Ang lindol sa Baguio na nagmula sa Rizal, Nueva Ecija, may lalim na 25.1 kilometro habang itong Turkey quake, nasa 24.1 kilometro.
Pero kung totoo ang sinasabi ng US Geological Survey na nasa 18 kilometro lang ang lalim ng Turkey quake, hindi tayo magtataka kung ganu’n na lang ang lakas ng lindol na ito.
Pero ipagpalagay nang naging mas malakas nang kaunti ang pagyanig ng lupa sa ibabaw ang Turkey quake dahil sa isang kilometrong diperensya sa lalim nito kumpara sa Baguio quake, hindi nakapagtatakang magkasingbagsik ang dalawa.
Isa pa, may hiwalay sa magnitude 7.8, ang magnitude 7.5 na 95 kilometro ang layo sa una makaraan ang dalawang oras at sinundan na ito ng walong malalakas na after shock mula magnitude 6.7 at 5.6 na nasa 36 kilometro ang layo mula sa orig na lindol at karamihan sa medyo mas maliliit na after shock, nasa 10 kilometro lang ang lalim.
And kambal na lindol sa Turkey ang naging kakaiba sa Baguio quake.
PAREHO AT MAGKAIBANG KASIRAAN
Lumalabas na pareho ang dalawang lindol na gumiba sa mga maliliit at malalaking gusali.
Nagtagal ang Baguio quake na 45 segundo habang 1 minuto ang tagal ng pinagsamang lindol na magnitude 7.8 at magnitude 7.5 sa Turkey.
Kapag ganito katagal ang mga lindol na ilang kilometro lang ang lalim sa lupa, anak ng tokwa, asahan mo ang grabeng pinsala sa buhay at ari-arian.
Pero lumilitaw na higit na grabe talaga ang Turkey-Syria quake dahil kitang-kita sa mga video at larawan kung gaano babagsak o bumagsak ang matataas na gusali sa dalawang bansa at naging mga kumpol na lamang ng mga bato, semento at bakal.
Isa pang malaking diperensya, nasa ala-4:00 ng madaling araw sa kanila nang tumira ang lindol at natutulog halos ang lahat ng tao samantalang dakong alas-7:00 nang umaga nang maganap ang Baguio quake at gising na halos lahat.
Sa Baguio quake, may namatay na 1,621; nasugatang 3,513; 321 missing; at 126,035 ang nawalan ng matitirhan.
Dito sa Turkey-Syria quake, mahigit 5,000 na ang kumpirmadong patay, mahigit 20,000 ang nasugatan at tiyak libo-libo rin ang nawalan ng tahanan.
Malaking usapin din ang pagiging maulan at taglamig o winter sa Turkey-Syria kaya may kasamang mga landslide din at mga baha habang sa Baguio quake wala nito.
Kaya naman mas mahirap ang search and rescue operations ngayon sa bayan ng ex ni Ruffa Gutierrez na si Ylmas Bektas kumpara sa search and rescue sa Baguio quake.
Panginoon, kaawaan at iligtas mo kami!