
HINDI lang ang magnanakaw ang sumasalakay sa kalagitnaan ng gabi at kahimbingan ng tulog ng mga tao.
Sumasalakay rin ang lindol at kung sumalakay ito nang malakas sa gabi, mapa-O My God ka nang totoo at hindi mo magawang tumawa kundi matakot, umiyak at humingi ng tulong sa Diyos nang lubos-lubos para sa iyong kaligtasan, pamilya, kabarangay at lahat.
Ang magnanakaw, limitado lang ang maitatakas, at tsamba na lang niya kung makasungkit siya ng malalaking halaga at iba pa.
Ngunit ang malakas na lindol?
Hindi niya lang kukunin ang iyong buhay kundi paguguhuin din niya maging ang pinaghirapan mong tahanan at maging ang iyong mga pangarap sa hinaharap.
MAHIGIT 2,000 PATAY
Alas 11:11 ng gabi sa Morocco nang maganap ang lindol na may magnitude 6.8.
Mababaw umano ang pinagmulan kaya ganoon na lang kalakas ang lindol na nakaapekto maging sa layong 350 kilometro mula sa sentro nito sa Marrakesh.
Ayon sa mga nakaligtas sa lindol, kasinglakas umano ng huni ng fighter jet ang lindol.
At nakasisira sa tao at ari-arian ang napakalakas na huni ng fighter jet.
Makaraan lang ng ilang oras, nakabilang na ang mga rescuer ng mahigit 2,000 patay at mahigit sa 1,200 ang nasugatan.
Paano ang mga mamamayang humihiyaw pa mula sa mga gumuhong gusali?
Paano ang mga nasa malalayo at mabubundok na lugar na niyanig din nang todo ng lindol?
HALOS WALA LAHAT
Walang kuryente para maliwanag sana ang gabi para sa search and rescue, walang internet at telepono habang nagtatagal dahil sa pagguho ng mga poste ng elektrisidad at tore ng telepono at pagkalagot ng kawad ng mga ito.
Nagbara ang mga kalsada at may mga nagbitak na mga lupa na naging sagka sa emergency responses ng gobyerno at mamamayan.
Ang mga ospital, biglang napupuno sa rami ng mga naghihingalo at nasusugatan.
Pero ang pinakamatindi, walang makain ang marami, walang mainom, walang matulugan nang maayos at hindi na rin basta natatanggap ng mga ospital ang dumarating pang mga naghihingalo at grabeng nasugatan.
Hindi rin basta ang paglilibing sa rami ng mga biktima bagama’t may naglilibing na.
You name it, you have it ang mga kamalasan na hindi basta masusukat.
PAANO KUNG MAGANAP SA PINAS?
Hindi na bago sa atin ang malalakas na lindol na ikinamamatay ng maraming Pinoy.
Ngunit, nasaan ang kahandaan natin muli laban sa lindol na kung sumalakay ay kailanman hindi nating alam?
Ang mga bagyo, El Niño, La Niña, habagat, baha at iba pang masamag galaw ng kalikasan ay naibabalita nang maaga kaya tayo nakapaghahanda.
Hindi ganito sa lindol.
Ngayon, paano nga kaya kung sasalakay ang malalakas na lindol gaya ng magnitude 7.2 na The Big One sa Mega Manila?
Paano kung may patay agad na nasa 30,000-50,000 at daang libo ang masusugatan?