
NABIGLA ang marami kong mga kaibigang relihiyoso at mga kasamahang aktibo sa mga gawaing Simbahan. Nabalita kasi na miyembro na raw ang mga obispo sa National Task Force on Ending Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Pagkatapos daw ito nang mainit na pagtanggap
ng CBCP o Catholic Bishops Conference sa imbitasyon ng ahensya.
Ayon sa mga balita si Bishop Rey Evangelista ng Diocese of Imus ang pangunahing kinatawan at si Fr. Jerome Sicilian naman ang alternate.
Dahil na rin siguro sa sunod-sunod at maraming pagpuna sa social media, naglabas agad nang paglilinaw si Bishop Ambo David ng Kalookan, na s’ya ring Presidente ng CBCP. Aniya, hindi naman ang buong CBCP ang naging kasapi ng NTF-ELCAC, kundi isang komisyon lang na pinamumuan ni Evangelista.
Mukha naman daw maganda ang intensyon ni Evangelista nang tanggapin ang imbistasyon ng ahensya, dahil paraan ito para maipaliwanag ng Simbahan ang kanyang mga reklamo at mga pananaw tungkol sa mga proyekto at gawain ng NTF-ELCAC.
Dagdag pang pahayag ng CBCP, mabuti na rin na pag-usapan at pagnilayan pa nang husto ang hakbang nilang ito.
Buo naman ang pananampalataya at pagsunod ko sa Simbahan, pero meron lang akong gustong ipaalala kay David at sa buong CBCP.
Ang NTF-ELCAC ang ugat ng napakaraming red-tagging sa mga
oposisyon at sa mga kritikal sa gobyerno. Oo nga, tama naman na puksain ang karahasan at magpursige nga ang lahat para sa
kapayapaan. Pero mukhang hindi naman daw iyon ang nangyari.
Mula na rin sa ilang mga obispo, naging kasangkapan ang NTF-ELCAC para maghasik ng takot at mga maling paratang sa maraming mga inosenteng tao, na ang tanging kasalanan lang ay maging maingay at panindigan ang kanilang mga karapatan.
Tingin ko rin kasi, mukhang taliwas sa mga Catholic Social Teachings ang direksyon ng NTF-ELCAC.
At sana ay hindi rin makalimutan ng mga lider ng Simbahang Katolika na sila rin ang nanguna para labanan ang anti-terror bill at ang kultura ng kadiliman at karahasan ang naging plataporma na sinulong ng NTF- ELCAC.
Sana nga ay maliwanagan ang lahat ng Espirtu Santo at manaig ang katotohanan and katarungan.