MANILA, Philippines – Inilabas na ng Office of the 2023 Bar Chair ang listahan ng mga local testing centers na pagdarausan ng 2023 Bar Examinations sa Setyembre.
Kabuuang 14 na local testing centers (LTCs) ang napili ng Supreme Court.
Anim ang local testing centers sa National Capital Region (NCR) kabilang ang San Beda University- Manila, University of Sto. Tomas, San Beda College- Alabang, UP Diliman, Manila Adventist College at UP Bonifacio Global City.
Sa Luzon, magsisilbing LTCs ang Saint Louis University, Cagayan State University, at University of Nueva Caceres.
Habang sa Visayas ay sa University of San Jose – Recoletos, University of San Carlos at Dr. V. Orestes Romualdez Educational Foundation.
Sa Mindanao ay ang Ateneo De Davao University at Xavier University.
Sa abiso ng Office of the Bar Chair, ang San Beda College- Alabang naman ang magsisilbi ring national headquarters sa bar exams.
Pinayuhan ang mga kuwalipikadong aplikante na sa HUlyo 24 hanggang 25 isasagawa ang venue selection sa pamamagitan ng online platform na Bar Application Registration Information System and Tech Assistance (BARISTA). Teresa Tavares