Home NATIONWIDE Local transport industry ‘wag pabayaan sa modernization – PISTON

Local transport industry ‘wag pabayaan sa modernization – PISTON

MANILA, Philippines – Sinabi ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) nitong Sabado, Nobyembre 18, na ang pampublikong transportasyon sa Pilipinas ay tila nagiging negosyo na lamang na pumapatay sa local transport industry.

Ayon kay PISTON President Mody Floranda, kung nais ayusin ng pamahalaan ang pampublikong transportasyon, dapat na magtatag ang Pilipinas ng sarili nitong industriya.

“Sa ilalim ng modernisasyon, ang makikinabang dito ay ‘yung mga nagdadala sa atin ng minibus gaya ng China at Japan… Pinapatay natin ang mga lokal na manggagawa,” ani Floranda.

Bagama’t ang kanilang November 20-23 strike ay protesta nila sa December 31 PUV Modernization enlistment deadline, sinabi ni Floranda na may mga grupong hindi naman talaga tutol sa modernisasyon.

“Sa ilalim ng modernization, ang dapat mas na tinutulungan ay ang mga lokal na manggagawa at operator. Dapat payagan ang rehabilitation. Bakit kailangan hawak ng malalaking korporasyon o negosyante ang public transport,” pahayag ni Floranda.

Simula bukas, Nobyembre 20, ang three-day nationwide strike ay magkakaroon ng 19 gathering points sa NCR, kabilang ang Philcoa, Litex, Novaliches, Monumento, Alabang, Baclaran, Vito Cruz, and E. Rodriguez.

“Inaasahan natin na lahat [ng driver] ay makikilahok dahil ito ay usapin ng kabuhayan, deadline na December 31, 2023,” aniya.

Samantala, nagbabala ang LTFRB na posibleng masuspinde o mabawian ng prangkisa ang mga drayber na lalahok sa protesta.

Ani LTFRB Chair Teofilo Guadiz, handang maglabas ng special permits para sa mga jeepney sa 12 ruta na posibleng maapektuhan ng strike.

“We are prepared for any eventuality,” aniya.

Ipinaubaya naman ng Department of Education ang suspensyon ng klase sa mga apektadong local government units. RNT/JGC

Previous articleTulfo mangangasiwa sa Mindanao earthquake response – Romualdez
Next article10 bahay apektado ng sunog sa QC