MANILA, Philippines – Masusing pinag-aaralan ng gobyerno ng Pilipinas ang posibleng lokasyon para sa karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.
“Alam naman niyo pinag-aaralan natin. Malapit na ‘yan… I will have a command conference and we will decide once and for all and we’ll announce,” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang panayam.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na ayaw niyang maging dahilan ang bagong EDCA sites para magkaroon ng tensyon sa South China Sea.
“Gusto natin ay mapayapa at hindi magulo at may safe passage,” ayon kay Pangulong Marcos.
“It’s a valid concern and it’s something that we have to pay attention to, that we do not be seen as… provocative to anyone and… It will not have the opposite effect from what we want,” dagdag na pahayag nito.
Samantala, napagkasunduan ng Pilipinas at Estados Unidos ang pagbuo ng apat na bagong lokasyon ng EDCA.
Ayon sa Department of National Defense (DND), ang karagdagang EDCA locations ay makakatulong tuwing may humanitarian at climate-related disasters sa Pilipinas.
Simula taong 2014, ang EDCA ang siyang nagbibigay pahintulot sa mga tropang militar ng Estados Unidos ng access sa mga tukoy na Philippine military facilities, may karapatang magpatayo ng pasilidad at iba pa.
Ipinagbabawal naman ang permanent basing ng Estados Unidos sa pamamagitan ng EDCA dito sa Pilipinas.
Maliban sa magiging apat na bagong EDCA locations ay mayroon nang naunang lima at ito ay matatagpuan sa Antonio Bautista Air Base sa Palawan; Basa Air Base sa Pampanga; Fort Magsaysay sa Nueva Ecija; Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu; at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City. Kris Jose