CAMARINES SUR- Mistulang manok na ginilitan sa leeg ang isang 64-anyos na lola ng magkapatid na suspek dahil umano sa dating alitan, noong Sabado sa bayan ng San Jose.
Kinilala ang biktimang si Felicita delos Santos Rosales, at residente sa Zone 2, Brgy. Adiangao, San Jose.
Sa isinagawang manhunt operation ng pulisya, nadakip ang mga suspek na kinilalang sina na si Wejay Riva, 30, at kapatid nitong si Jeremy Riva, kapwa residente sa naturang lugar.
Batay sa report ng San Jose Municipal Police Station, bandang alas-8:30 ng gabi naganap ang krimen sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng pagtatalo ang grupo ng mga biktima at suspek hanggang sa naungkat ang matagal na nilang alitan na nauwi sa rambol.
Dito, kumuha ng kutsilyo ang mga suspek at nilaslas ang leeg ng biktima saka mabilis na nagsitakas.
Isinugod naman sa pinaka-malapit na ospital ang biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.
Agad naman nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad laban sa mga suspek na nagresulta sa kanilang pagdakip.
Nakakulong ngayon sa lock-up facility ng San Jose-PNP ang mga suspek at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga ito. Mary Anne Sapico