Home METRO Lola patay, apo sugatan sa pagtawid

Lola patay, apo sugatan sa pagtawid

MINGLANILLA, Cebu- Patay ang isang lola habang sugatan ang menor-de-edad nitong apo matapos silang mahagip ng wing van habang tumatawid sa kalsada nitong Lunes sa bayang ito.

Kinilala ang nasawi na si Minda Francisco, 50, habang ginagamot sa ospital ang apo nitong babae na hindi pinangalanan at kapwa residente ng Carmenville Subdivision, Brgy. Tunghaan, Minglanilla.

Hawak naman ng pulisya ang suspek at driver ng wing van na kinilalang si Homilito Lapiz Omayao, 50, taga Purok 3, Barangay Bunga, Toledo, Cebu.

Ayon kay Police Capt. Kalvin Jomari Golitod, hepe ng Minglanilla Police Station, bandang alas-5:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, tumatawid ang mag-lola sa kalsada nang bigla na lamang silang mahagip ng Isuzu van na minamaneho ni Omayao.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumalsik ang mga ito at napuruhan at tumama sa isa pang sasakyan.

Kaagad namang dinala sa Minglanilla District Hospital ang mga biktima subalit kalaunan ay nalagutan din ng hininga si Francisco sanhi ng matinding pinsalang tinamo nito sa katawan at ulo.

Kasalukuyan namagn nasa kustodiya ng Minglanilla-PNP ang suspek at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide. Mary Anne Sapico

Previous article#WalangTubig sa ilang bahagi ng Rizal sa Peb. 13-16
Next articleKamara tiniyak na tatalima sa direktiba ni PBBM sa economic Cha-cha