Home METRO Lolo kalaboso sa panloloko sa mga negosyante

Lolo kalaboso sa panloloko sa mga negosyante

MANILA, Philippines – NATIMBOG ng pulisya ang isa sa tatlong sangkot sa panloloko sa ilang mga negosyante nang tumalbog ang mga tsekeng ibinayad sa mga biktima nila sa Valenzuela City.

Kinilala ni P/Col. Salvador Destura, Jr. hepe ng Valenzuela police ang naarestong suspek na si Daniel Tek Pua, 67, ng Silvestre Ext. Victoria Homes, Brgy. Gen. T. De Leon na nahaharap sa kasong Estafa habang patuloy namang tinutugis ang kanyang mga kasabwat na sina Cathy Tan at Lourdes Velez Tan, na may alyas na “Mylene Alcantara”, 53.

Sa imbestigasyon ni P/SSg. Ronald Anicete, kinuha muna ng dalawang babaeng suspek ang tiwala ng kanilang bibiktimahin bago umorder ng malakihang halaga ng kani-kanilang produkto gamit na pambayad ang pag-iisyu ng tseke na may dalawang araw na “clearing” sa bangko.

Noong Hulyo 18, umorder ang mga suspek ng 500 sako ng bigas kay Solomon, 34, na ipina-deliver sa isang bodega sa M Gregorio St. Canumay West, 10 split type aircondition kay Richelda Cerillo, 31, 20 water dispenser at 10 desk fan kay Anna Marie Tapang, 42, na parehong ipina-deliver sa LVT Dry Goods Trading sa 152 Maysan Road, habang 1,500 tray ng itlog naman kay Renante Cruz, 51, na ipinadala sa 92 G. Marcelo St. Brgy. Maysan na pawang binayaran ng tseke.

Makaraan ang dalawang araw na clearing, ibinalik ng bangko sa mga biktima ang tseke dahil kakaiba ang lagda nito na hindi tugma sa tunay na may-ari ng tseke kaya tinawagan ng mga biktima ang dalawang suspek subalit hindi na nila makontak ang mga ito at sarado na rin ang LVT Dry Goods Trading na pinagdalhan ng produkto nina Cerillo at Tapang dahilan upang humingi na sila ng tulong ng pulisya.

Sa tulong ng CCTV, natunton ng pulisya ang ginawang paglilipat ni Pua ng mga dineliver na kagamitan sa LVT Dry Goods Trading gamit ang isang multi-cab patungo sa bodega sa Jupiter St. Victoria Village, Gen. T. De Leon kung saan siya nadakip at nabawi ang 10 split type aircondition na nagkakahalaga ng P174,995.00, 17 water dispenser na may halagang P147,000,00, apat na desk fan na may halagang P5,800.00, tatlong water purifier at isa pang water dispenser na may ibang brand, habang sa abandonadong bodega nabawi ang 1,500 tray na itlog.

Nang puntahan ng mga pulis ang bodegang pinagdalhan sa 500 sako ng bigas sa Canumay West, wala na ang mga ito at ayon sa security guard na katiwala sa warehouse, umupa lang sa kanila ang isang Lourdes Tan na tseke ang paunang bayad subalit ibinalik ng bangko dahil kakaiba ang lagda nito. Rene Manahan

Previous articleAFP vehicles nakaabang sa mga apektado ng transport strike
Next articleMojdeh, 4 na iba pa sabak sa World Juniors Championships