CAVITE CITY- SA paniwalang hindi siya dinala ng kanyang kapartido sa katatapos na Barangay Sangguniang Kabataan election (BSKE), nagawa ng isang 73-anyos na lolo na saksakin ang nanalong barangay kagawad na kasamahan niya sa grupo noong Huwebes sa Lungsod na ito.
Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Cavite City ang suspek na kinilala lamang sa alyas Atong, at nahaharap sa kasong attempted homicide.
Ginagamot naman sa ospital ang biktima na kinilalang si Rodelio Famy Jr., 51-anyos matapos magtamo ng sugat sa leeg at braso nito.
Ayon kay Staff Sergeant Benzon Cauntay, ng Cavite City Police, nagdududa ang suspek kung tunay siyang sinuportahan ng mga kapartido sa eleksyon dahil ang iba ay nanalo habang siya ay natalo.
Sumugod ang suspek sa barangay hall at habang sakay ng kanyang bisekleta nakasalubong nito ang biktima kaya agad niya itong sinunggaban ng saksak na nauwi sa habulan.
Agad naman dinala sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas ang tinamong sugat habang nadakip naman ang suspek matapos ang insidente.
Sa himpilan ng pulisya, humingi ng tawad ang suspek sa biktima./Mary Anne Sapico