TAGKAWAYAN, Quezon- PATAY ang 76-anyos na lolo habang sugatan ang tatlo matapos araruhin ng cargo truck ang dalawang bahay nitong Martes, Oktubre 24 sa bayang ito.
Kinilala ang nasawi na si Benito Recaña, 76, habang sugatan ang isang pang nakatira sa bahay na inararo na si Liova Domingo, 43, kapwa residente sa Barangay San Francisco ng nasabing bayan.
Nilapatan naman ng lunas sa ospital ang helper na si Joffrey Jacob, 26, at driver nitong si Virjulito Mirasol, 34.
Batay sa report ng Tagkawayan Police Station, bandang 8:00 PM ng Miyerkules naganap ang insidente sa Quirino highway ng naturang bayan.
Sa report ng pulisya, binabaybay ng cargo truck ang nasabing lugar patungong Maynila na may mga kargang pakwan ng bigla na lamang umanong nagloko ang preno ni Mirasol.
Dahil dito, nahulog ang truck sa gilid ng kalsada na may lalim na 20 metro hanggang sa inararo ang dalawang bahay na nagresulta ng agarang pagkamatay ni Recaña at ikinasugat ng tatlo.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico