Home METRO Lolong kanong pedophile hinarang ng BI sa NAIA

Lolong kanong pedophile hinarang ng BI sa NAIA

MANILA, Philippines – HINARANG ng mga tauhan ng Bureau of immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Amerikano na pedopilya at pinagbawalan itong pumasok sa bansa dahil sa umano’y pang-aabuso nito sa isang 16-anyos na babae sa Mindanao may dalawang taon na ang nakakaraan.

Sa isang ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ng immigration protection and border enforcement section (I-Probes) ng BI ang pasahero na si Jerold Jay Whiting, 80-anyos, ay hindi pinapasok sa NAIA 3 terminal noong Enero 25 sa kanyang pagdating sakay ng United Airlines flight mula Guam.

Inilarawan ni Tansingco si Whiting na “heartless” nang nalaman nitong nang-aabuso ng mga menor de edad.

Dagdag pa niya, isinailalim umano ni Whiting ang kanyang biktima sa online sexual exploitation sa pamamagitan ng pag-record ng mga video ng kanilang mga sekswal na aktibidad, na tila para ipamahagi sa publiko ang nasabing pornographic materials.

“We cannot allow foreign sex offenders like him to step in our territory for even a second as they pose a very serious threat to our women and children,” ani Tansingco.

Batay sa ulat, nakatanggap ng ulat ang BI mula sa isa sa mga nabiktima ni Whiting sa Iligan City na binubugaw siya na makipagrelasyon sa Amerikano.

Ipinakilala ang biktima ng bugaw kay Whiting noong Setyembre 2021 na noon ay 16-anyos pa lamang siya at inakit na makatulog sa kanya kapalit ng malaking halaga.

Sinabi pa ng biktima na humingi ang bugaw ng malaking halaga sa kanya bilang kanyang komisyon mula sa ibinigay ni Whiting.

Ikinuwento rin niya kung paano nag-inject si Whiting ng mga likido at substance sa kanyang katawan bago ang kanilang pagtatalik na lahat ay nakunan ng camera.

Ang mga sekswal na pang-aabuso na iniulat na ginawa laban sa biktima ay nangyari umano sa ilang pagkakataon sa mga hotel sa Cagayan de Oro, Iligan at Maynila. JAY Reyes

Previous articlePetisyon ni Goma vs pulis na nagsangkot sa kanya sa droga ibinasura ng CA
Next articleTaytay church idineklara ni Pope Francis na minor basilica