Home OPINION “LONG WEEKENDS” MALAKING TULONG SA TURISMO

“LONG WEEKENDS” MALAKING TULONG SA TURISMO

INAASAHAN ng DOT o Department of Tourism na ang “long weekends” na naka-iskedyul ngayong buong taon sa bansa ay magdadala ng magandang balita sa sektor ng turismo sa bansa.

Kapwa hinihikayat nina President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. at Secretary Maria Christina Garcia-Frasco ang mga Fi­lipino na samantalahin ang mga bakasyon at bumiyahe sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Dagdag pa ng kalihim, hindi lamang kita ang kanilang iniisip kundi ang pagkakataon para sa mga pamilya at magkakaibigan na gumawa ng mga masasayang alaala buhat sa mga pagbiyahe.

Ang kaugalian ng mga Pilipino ay ang pag-uwi nila sa kani­lang probinsya upang makasama muli ang kanilang magulang at pamilya lalo na sa mga nadestino sa malalayong lugar.

Mula rin kasi rito ay mas lalong umaangat ang nasyona­lismo dahil nakikilala hindi lamang ang magagandang tanawin kundi ang masasarap na pagkain, mga kahanga-hangang talento, makukulay na tradisyon, kagandahang asal, at marami pang iba. Mula rito ay higit nating minamahal ang ating bansa.

Malaki ang naging kontribusyon ng domestic tourism sa mabilis na pagbangon ng maraming industriyang kabuntot ng turismo.

Sa datus ng PSA o  Philippine Statistics Authority, umabot sa 102 million ang naitalang domestic trips sa buong bansa. Nagpasok ito ng halagang Php 1.87 trillion na kita.

Batay sa inilabas na kalendaryo ng Malacañang Palace, ang mga sumusunod ay ang  long weekends –

–  Mula March 28, 2024 hanggang April 1, 2024 dahil sa paggunita sa mga Mahal na Araw at Pasko ng Muling Pagkabuhay.

–  August 24, 2024 hanggang August 26, 2024 para sa obserbasyon ng National Heroes Day.

–  November 1, 2024 hanggang November 3, 2024 para sa Undas.

–  December 28, 2024 hanggang December 31, 2024 para sa pagdiriwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon.

Sa bisa ng Presidential Proclamation No. 368 ay idineklara ni Pangulong BBM ang February 9, 2024 bilang special non-wor­king holiday kaugnay sa paggunita ng Chinese New Year.

Previous articleStar dancer ng Alice in Wonderland, todas sa mani
Next articleMEDIA UNDER ATTACK PA RIN ANG SMNI