Home NATIONWIDE LP nanatiling ‘genuine opposition’ – solon

LP nanatiling ‘genuine opposition’ – solon

MANILA, Philipines- Sa kabila ng naging pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte sa gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos ay hindi pa rin itong maikokonsiderang nasa oposisyon, ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman.

Ayon kay Lagman, hindi si VP Sara kundi ang Liberal Party ang siyang tunay na oposisyon.

“Vice President Duterte may assume the leadership of the partisan opposition to the Marcos Jr. administration, but LP remains the ideological and conscientious opposition to both the current administration and Duterte’s breakaway power bloc,” pahayag ni Lagman na siyang pangulo ng LP.

Inihayag ito ni Lagman bilang reaksyon sa pahayag ni dating Palace Spokesperson Harry Roque na si VP Sara ay maikokonsidera nang lider ng oposisyon matapos itong bumitaw sa Marcos Uniteam.

“The LP continues to uphold its iconic principles on good governance, participatory democracy, constitutionalism, human rights protection, and anti-authoritarian rule, all of which are not in the track record of the leaders of the now-defunct Uniteam,” paliwanag ni Lagman.

Sa panig ni LP spokesperson at dating Senator Leila de Lima, sinabi nitong ang totoong oposisyon ay may “accountability” at “transparent.”

“Sa kanyang pagbibitiw, wala namang naganap na pag-ako sa responsibilidad, o pagbabago ng mga prinsipyo at paninindigan. Paano naging oposisyon ang may pananagutang hanggang ngayon, sinisingil pa ng taumbayan?” pahayag ni de Lima.

Maging ang Makabayan Bloc ay kinontra rin ang pahayag ni Roque, kung saan sa isang press conference ay sinabi ni House Deputy Minority Leader France Castro na hindi magiging oposisyon si VP Sara dahil hindi naman ito kailanman nagsalita laban sa mga polisiya ng administrasyon.

“Opposition? Saan banda? She was not even able to speak up on Chinese aggression in the West Philippine Sea,” pagtatapos pa ni Castro. Gail Mendoza