Home NATIONWIDE LRMC aasistihan ng Japanese firms sa LRT-1 ops, maintenance

LRMC aasistihan ng Japanese firms sa LRT-1 ops, maintenance

MANILA, Philippines- Lumagda ng kasunduan ang Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang pribadong operator ng Light Rail Transit 1 (LRT-1), sa kompanya ng Japan para sa technical assistance sa operasyon at maintenance ng rail system.

Sa news release, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na ang LRMC, Sumitomo Corporation, at Hankyu Corporation ay lumagda ng Technical Assistance Agreement.

Sinaksihan nina Transportation Secretary Jaime Bautista at Japan International Cooperation Agency (JICA) officials ang nasabing signing of agreement .

Sa ilalim ng kasunduan, magbibigay ang Hankyu ng technical assistance sa LMRC upang tumulong sa pagsusuri ng mga operasyon ng LRT-1 at pagbutihin ang mga proseso at pagsasanay ng mga tauhan nito.

Higit pa rito, gagamitin din ng LRMC ang kadalubhasaan sa riles ng Hankyu sa mga lugar tulad ng mga operasyon at maintenance, non-fare revenue, land value capturing, at urban development planning.

Ayon kay Bautista,makakatulong ito lalo na ngayong sisimulan na ang partial operation ng Cavite Extension.

“This latest partnership for LRT-1’s operations and maintenance serves as a showcase to convince new Japanese investors to seriously consider Philippine mass transport projects,” sabi ni Bautista.

Sinabi ni Masayoshi Uemora, Hankyu senior managing director, ang pagtatayo ng mga railway system sa Pilipinas ay napakahalaga upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko.

Bilang bahagi ng kasunduan, ililipat ng Sumitomo sa JICA at Hankyu ang hindi natukoy na bilang ng mga bahaging hawak nito sa LRMC.

Ang LRMC ay naging pribadong operator ng LRT-1 mula noong 2015. Ito ay isang joint venture na kompanya ng Metro Pacific Investments Corporation, AC Infrastructure Holdings Corporation ng Ayala Corporation, Sumitomo, at ang Macquarie Investments Holdings (Philippines) PTE Ltd ng Philippine Investment Alliance for Infrastructure. Jocelyn Tabangcura-Domenden