Home NATIONWIDE LRT-1 Cavite extension nais pangasiwaan ni Manny Villar

LRT-1 Cavite extension nais pangasiwaan ni Manny Villar

MANILA, Philippines- Binabalak ni real estate titan Manny Villar Jr. na palawigin pa ang kanyang business empire sa plano nitong pangasiwaan ang LRT-1 Cavite extension.

Isang linggo matapos isiwalat ng kanyang grupo ang pagkumpleto sa acquisition nito sa Muntinlupa Cavite Expressway mula sa Ayala, sinisilip ngayon ng bilyonaryo na pasukin ang railway market.

Inihayag ni Villar na nagsimula na ang negosasyon sa pagitan ng Ayala-Pangilinan consortium, na nangangasiwa sa  LRT-1.

“Medyo nagne-negotiate na kami… Ayaw na nila e. Sabi ko nga mahal ‘yan. Matagal ‘yan kasi di sayo ang lupa,” aniya sa mga mamamahayag nitong Martes.

“Nakita namin na mas kikita kami pag nagsama kami. Dadami ang traffic galing sa kanila, dadami rin traffic nila galing samin. Sila nagpropose na magpartner kasi kulang ang profitability nila, kung magkakabit-kabit kami mas viable,” dagdag ni Villar.

Idinisenyo ang proyekto upang palawigin ang train system sa Bacoor, Cavite. Subalit, sinabi ni Villar na posibleng matapos lamang ng consortium ang konstruksyon hanggang Sucat sa Parañaque City.

Sinabi ng negosyante na nais niyang isulong ang extension sa pito pang istasyon mula Zapote sa Las Piñas hanggang Governor’s Drive sa Cavite. Kinokonsidera rin umano ang pag-ugnay nito sa Silang, na malapit sa Tagaytay, dagdag niya.

Inihayag naman niya ang kumpiyansa ukol sa pagsusulong ng proyekto dahil sa kanyang “massive landbank” sa timog ng capital region.

“Ako, kaya ko ang right-of-way kasi sakin lahat ng dadaanan. Kailangan talaga ang real estate,” ani Villar.

Subalit, hindi inilahad ng dating senador ang planned investment niya sa railway project.

Sinabi ni Villar na nasa Department of Transportation (DOTr) na ang proposal na maaari pa umanong mabago.

Tikom naman ang Light Rail Manila Corporation– joint venture company ng Pangilinan’s Metro Pacific Investments Corporation at Ayala’s AC Infrastructure Holdings—sa impormasyong ito.

Samantala, ayon kay DOTr Usec. Cesar Chavez, lingid sa kanyang kaalaman kung “Villar Group has indeed submitted a proposal to LRMC for takeover of the Cavite segment of LRT1 Cavite Ext.” RNT/SA

Previous articleEksperto nagbabala sa negatibong epekto ng Manila Bay reclamation sa pangingisda, pagbaha
Next articlePanukalang nagdedeklara sa Abril na National Basketball Month lusot na sa Kamara