Home METRO LTFRB mag-iisyu ng show cause order sa bus company kasunod ng pamamaril...

LTFRB mag-iisyu ng show cause order sa bus company kasunod ng pamamaril sa N. Ecija

MANILA, Philippines- Sinabi ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Huwebes na maglalabas ito ng show cause order sa Victory Liner upang bigyang-daan ang imbestigasyon ng ahensya sa bus company kasunod ng pamamaril sa dalawang pasahero sa loob ng isa sa mga bus nito sa Nueva Ecija.

“We will issue it today,” pahayag ni LTFRB Technical Division head Joel Bolano sa isang news conference nang tanungin kung kailan ilalabas ang show cause order sa Victory Liner, isa sa pinakamalaking provincial bus companies sa buong bansa.

Batay sa ulat, tumanggi ang Victory Liner officials sa panayam subalit naglabas ng pahayag na nakikipag-ugnayan na ang kompanya sa Philippine National Police sa imbestigasyon nito at itinuturing ang bus driver bilang testigo sa krimen.

Ani Bolano, sa ilalim ng umiiral na LTFRB Memorandum Circular, pinapayagan lamang ang public utility bus companies na bumiyahe sa mga rutang saklaw ng kanilang prangkisa at rekisitos din na magpatupad ang mga ito ng security plan para sa bus terminals at sa kanilang sasakyan habang bumibiyahe.

May karampatang parusa ang paglabag sa mga terminong ito, ayon kay Bolano, kabilang ang suspensyon, kanselasyon ng prangkisa, at iba pa.

“That is why we need [to issue] a show cause order for us to determine the proper resolution on (sic) the incident,” giit ni Bolano.

Sinusuri pa ng LTFRB kung may prangkisa ang bus sa ruta kung saan isinakay ang mga suspek. Inaalam din ng mga awtoridad kung pinapayagan ang bus na magsakay ng mga pasahero sa daan dahil hindi naman sumakay sa bus terminal ang mga suspek.

Wika ni Bolano, sinusubukan ng board na tukuyin kung ang Victory Liner bus ay regular o isang point to point bus.  

Sa viral video ng insidente, inisyal na sinabi ng dalawang lalaking pasahero sa driver ng bus patungong Manila na bababa sila sa bayan ng Carranglan sa Nueva Ecija.

Subalit, bigla na lamang naglabas ng baril ang mga suspek at pinaputukan ang dalawang pasaherong nakaupo sa  unang hanay. Ilang ulit na pinagbabaril ang mga biktima, isang lalaki at isang babae, sa ulo at sa leeg.

Matapos ito ay inutusan ng mga suspek ang driver na buksan ang pinto saka agad na tumakas ang gunmen. RNT/SA

Previous articlePBBM: Pinas bukas sa pakikipagtulungan sa US sa pagbuo ng semiconductor industry
Next articleIlang local civil registrars sangkot sa pagbibigay ng birth certificate sa mga dayuhan