MANILA, Philippines- Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Martes na ilang public utility vehicle drivers ang maaaring maparusahan, sakaling mapag-alaman sa imbestigasyon na nilabag nila ang ilan sa kanilang franchise provisions nang magsagawa ng transport strike nitong linggo.
Nakasaad sa bahagi ng kanilang prangkisa na hindi dapat nila abandonahin ang kanilang ruta dahil makaaapekto ito sa mga mananakay, ayon kay LTFRB chief Joel Bolano sa isang public briefing.
“Yung franchise may kaakibat po ‘yang responsibilidad at terms and conditions. Kung mayroong makita o information na makuha… puwede silang imbestigahan, isho-show cause sila ng LTFRB,” pahayag niya.
“Ang pinagbabawal talaga doon yung maapektuhan ang ating mga pasahero sa kanilang mga ruta.”
“Puwede naman sila pumunta sa mga lugar na gusto nilang magpahayag basta ‘wag nila tatanggalin ang kanilang mga sasakyan sa kanilang mga ruta para pagserbisyuhan ang ating mga mamamayan,” dagdag ni Bolano.
Ilang transportation groups at cooperatives ang pansamantalang itigil ang kanilang operasyon nitong linggo bilang protesta sa patuloy na pagsusulong ng pamahalaan sa jeepney modernization program, na ayon sa drivers at operators ay makaaapekto sa kanilang kita.
“Generally walang paralysis ng ating mga routes at walang malalaking affected areas ng ating mga ginawang transport rally kahapon,” ayon sa LTFRB chief.
“After this day, magkakaroon ng evaluation ang LTFRB para sa kung ano ang susunod na hakbang,” patuloy niya.
Inaasahang magpupulong ang LTFRB kasama ang transport sector ilang araw pagkatapos ng kilos-protesta ng drivers at operators, aniya. RNT/SA