MANILA, Philippines- Naglabas ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Biyernes ng show cause order sa Victory Liner Inc. kasunod sa pamamaril na ikinasawi ng dalawang pasahero sa loob ng isa sa mga bus nito sa Nueva Ecija.
Ayon sa ulat, dahil umano ito sa pagpalya ng kompanya na matiyak ang ligtas na transportasyon para sa mga pasahero nito.
“The Shooting Incident inside a Public Utility Bus bearing plate number CAY-3363 at Barangay Minuli, Carangalan, Nueva Ecija, dated 15 November 2023, hereby orders the respondent VICTORY LINER INC., a grantee of a Certificate of Public Convenience (CPC), to show cause in writing why its CPC should not be revoked or canceled for allegedly Failure to Provide Safe, Adequate, Comfortable and Dependable Land Public Transportation,” ayon sa utos ng LTFRB.
Inatasan ang bus company na maghain ng verified answer bago o sa araw mismo ng itinakdang pagdinig sa November 21, 2023, ala-1:30 ng hapon sa LTFRB hearing room.
“Failure on the part of the respondent to Answer within the prescribed period and to attend the hearing of this case on the date aforementioned shall be considered as a waiver on her part to be heard, and this case shall be submitted on the basis of the records of this Board,” dagdag ng LTFRB.
Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang Victory Liner ukol dito.
Sa viral video ng insidente, inisyal na sinabi ng dalawang lalaking pasahero sa driver ng bus pa-Manila na bababa sila sa bayan ng Carranglan sa Nueva Ecija.
Subalit, bigla na lamang naglabas ng baril ang mga suspek at pinaputukan ang dalawang pasahero na nakaupo sa unang hanay ng mga upuan. Ilang beses na pinagbabaril ang mga biktima, isang babae at isang lalaki, sa ulo at sa leeg.
Kasunod nito ay inutusan ng mga suspek ang driver na buksan ang pinto, na sinunod ng huli, saka agad na tumakas ang gunmen.
Nauna nang inihayag ni Victory Liner’s Communications Head Ricky Rivera sa isang panayam na tatanggapin ng kompanya ang desisyon ng pamahalaan sa pamamaril. RNT/SA