Home NATIONWIDE LTFRB nagbabala sa PISTON members na lalahok sa transport strike

LTFRB nagbabala sa PISTON members na lalahok sa transport strike

MANILA, Philippines- Posibleng maharap ang mga miyembro ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na makikilahok sa planong transport strike ng grupo mula November 20 hanggang 22 sa suspensyon o pagbawi ng kanilang prangkisa, ayon sa Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Lunes.

“Huwag po sana nilang ituloy ang kanilang balak na strike dahil po unang una, ito ay salungat sa usapan nila sa gobyerno na ang prangkisa ay isang pribilehiyo. Kapag itinuloy po nila ito, posible po na mawala o masuspindi ang kanilang prangkisa,” pahayag ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III sa isang press conference.

Kasado ang kilo-protesta ng PISTON bilang pagkontra sa December 31 deadline para sa public utility vehicles na magpalista sa PUV modernization program ng pamahalaan.

Nilalayon ng programa na magkaroon ang public vehicles ng hindi bababa sa Euro 4-compliant engine upang mabawasan ang polusyon.

Subalit, sinabi ng mga driver at operator, maging state-run banks na makapagbibigay ng loan, na ang halaga ng modern jeepney, na tinatayang halos P2 million kada unit, ay hindi abot-kaya.

Pinabulaanan naman ni Guadiz ang pahayag ng PISTON na kakalusin sa PUV modernization program ang mga lumang jeep.

Binigyang-diin niya na ginagawa lamang nitong rekisitos para sa drivers at operators na bumuo ng kooperatiba o korporasyon, na magiging recipient ng prangkisa, at hindi iniaatas ang pagbili ng bagong PUV unit, sa kondisyong ang lumang PUV unit ay “roadworthy” alinsunod sa Land Transportation Office (LTO) standards.

“It just needs to be roadworthy and comply with consolidation. There is no truth that you need to change your vehicle in three, six or nine months [from consolidation],” sabi ni Guadiz.

Ani Guadiz, inaasahan ng LTFRB na magkakaroon ng  minimal hanggang zero impact ang nakaambang transport strike.

“Based on the data on the consolidated PUVs and I called all of our regional directors, it’s almost zero, wala hong impact iyong sinasabi nilang transport holiday for strike,” pahayag ni Guadiz sa isang press conference.

“Kaya hindi po namin irerekomenda ang pagsuspend ng klase kasi nung nakaraang strike, mas marami pa pong sasakyan sa daan kasi walang pumasok. Nagreklamo ang mga [PUV] operator, nadagdagan pa ng libreng sakay,” dagdag ng opisyal.

“We are prepared for any eventuality,” giit pa niya. RNT/SA

Previous article2 drayber na nandawit kay Revilla sa EDSA bus lane violation pinagmulta
Next articleDNA results mula sa abandonadong kotse sa Catherine Camilon case, hinihintay ng PNP