Home OPINION LTFRB VS TNVS SA TAWARAN SA PASAHE

LTFRB VS TNVS SA TAWARAN SA PASAHE

KASUSUSPINDE lang ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng inDrive na pag-aari ng RL Soft na kamakailan lang nagsimulang mamasahero.

Isa itong sistemang taxi na katulad ng Grab na tinatawagan muna sa bisa ng mga gadget bago sasakyan.

At katulad ng Grab, wala itong marka dahil karaniwang  pribado ang mga sasakyang gamit at pangunahing nakikilala ang mga ito ng mga kostumer sa pamamagitan ng plakang nakakabit sa mga ito.

TAWARAN MUNA BAGO SAKAY

Iba ang pinaiiral na sistema ng inDrive na pangunahing kontrolado ng mga Kano.

Magtawaran sa pamasahe ang driver at pasahero.

Siyempre, hanap ng driver kung saan siya makatipid sa pagbiyahe at kumita rin at hindi malugi.

Para sa pasahero naman, gusto nitong makatipid din, makarating nang ljgtas sa kanyang pupuntahan at sa tamang oras.

Kapag hindi nagkasundo sa halaga ng pasahe ang driver at pasahero, diyan na iiral ang “ayaw mo, huwag mo.”

BAWAL SA BATAS

Ayon sa LTFRB, may mga batas sa transportasyon at saklaw nito ang operation maging ang mga Grab at itong inDrive na tinatawag na  transport network vehicle service (TNVS).

Kabilang sa mga batas ang pagkakaroon ng minimum na singilin sa pamasahe at pagkakaroon ng dagdag depende sa distansya at kondisyon sa kalsada.

Ayon sa LTFRB, hindi pinaiiral ng inDrive ang batas sa minimum na pamasahe at sa halip, nakabatay ito sa tawaran o kasunduan ng driver at pasahero.

Iniimbestigahan na nang husto ng LTFRB ang inDrive ukol sa sumbong laban sa TNVS na ‘to.

MATAGAL NANG ALAM NG LTFRB

Bago pa man pumasok ang inDrive sa sistemang transportasyon, dala-dala na nito ang sarili nitong sistema.

At alam na ito mismo ng LTFRB.

Kitang-kita naman sa mga advertisement nito ang pagpapairal “tawaran muna, bago biyahe.”

Nang mag-aplay itong TNVS, alam din ng inDrive na dapat itong sumunod sa patakaran ng gobyerno.

Maaaring nakipaglaro muna ang inDrive sa LTFRB at nang maaprubahan, heto na’t unti-unti na nitong pinaiiral ang sarili nitong sistema.

Nakarating ito sa mga kinauukulan na kakaiba ang sistema ng inDrive.

Kaya sinuspinde muna ng LTRFB ang operasyon nito at pinagpapaliwanag sa hindi nito pagsunod sa patakarang umiiral para mga TNVS.

TRANSPARENCY NILALABAG

Ayon sa LTFRB, kapag lalabas sa imbestigasyon na hindi sumusunod sa fare matrix na roon nakabase ang babayaran ng pasahero ang inDrive, masasabing nilalabag ng TNVS na ‘to ang batas at binabalewala nito ang transparency o malinaw dapat na relasyon ng pampasaherong sasakyan at mga pasahero nito, gayundin ang malinaw na pagpapairal ng batas.

Kapag dinaan mo sa haggling o tawaran, mawawala ang diwa ng transparency at maaaring mauwi ito sa hindi magandang relasyon ng tsuper at pasahero at anong malay natin kung ano ang susunod dito?

Lalo na kung sumobra ang singil ng tsuper kumpara sa ibang TNVS dahil sa pagpapairal ng sariling sistema at pagbabalewala sa batas.

Previous articleSARSUELA-AWAY SA CHA-CHA
Next articleIlang bahagi ng bansa uulanin sa shear line, Amihan