MANILA, Philippines – Walang kapangyarihan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na manghuli, mag-impound, at itapon ang mga kolorum na sasakyan.
Ito ang nakasaad sa legal opinion ng Department of Justice (DOJ) matapos humingi ng paglilinaw ang Department of Transportation at ang LTFRB kung maaring manghuli at i-impound ang mga kolorum na sasskyan.
Nakasaad sa legal opinion ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang tungkulin ng LTFRB ay pawang koordinasyon at pakikipag-ugnayan sa mga government agencies hinggil sa mga nahuhuling kolorum.
Nilinaw ng DOJ na hindi ipinagkaloob sa LTFRB ang nabanggit na kapangyarihan ng itatag ito sa ilalim ng Executive Order No. 202.
Ayon sa DOJ, ang Land Transportation Office (LTO) at ang Traffic Management Unit ng Philippine National Police ang mga ahensyang otorisado na ipatupad ang traffic rules and regulations sa ilalim ng Republic Sct 4136 o Land Transportation and Traffic Code. Teresa Tavares