Home HOME BANNER STORY LTFRB whistleblower na-pressure na bawiin mga akusasyon

LTFRB whistleblower na-pressure na bawiin mga akusasyon

MANILA, Philippines – Napressure lang ako na bawiin ang alegasyon ng katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ito ang paliwanag ng ‘whistleblower’ na si Jeffrey Tumbado, dating opisyal ng LTFRB kung saan ngayon ay pinaninindigan na umano niya ang kanyang mga naunang pahayag.

Nanindigan si Tumbado ngayong Biyernes na “maraming” opisyal ng LTFRB ang sangkot sa mga katiwalian, mahigit isang linggo matapos niyang bawiin ang kanyang account at humingi ng tawad kay dating LTFRB chair Teofilo Guadiz III.

“Kung ano man ang naging pahayag ko sa presscon sa UP Hotel noon, ay totoo at patuloy na titindigan ko… dahil ako mismo ang saksi,” giit pa niya.

Nauna nang sinabi ni Tumbado na ang mga operator ay kailangang magbayad ng hanggang ₱5 milyon upang matiyak ang pag-apruba ng mga opisyal para sa mga ruta, prangkisa, at mga espesyal na permit, bukod sa iba pa.

Bukod kay Guadiz, nauna nang sinabi ni Tumbado na sangkot din ang iba pang executives mula sa Department of Transportation at Malacañang.

Aniya, nilapitan siya ni Guadiz dalawang araw matapos niyang bawiin ang kanyang mga paratang.

“Humingi sya ng tawad sa akin, nagmamakaawa na bigyan ko sya ng pangalawang buhay, nakiusap na ibalik ko ang kanyang reputasyon at career,” aniya pa. “Bukod pa ang kaliwat kanang ‘pressure’ mula sa mga taong nasa panig ko kabilang ang pamilya ko at mga taong pumapanig kay Chairman Guadiz.”

Nagpahayag din ng pangamba ang dating opisyal ng LTFRB sa seguridad niya at ng kanyang mga mahal sa buhay.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng ilang senador na tinitingnan nila ang posibilidad na maglunsad ng imbestigasyon sa katiwalian sa LTFRB, gayundin ang pagbawi ni Tumbado. RNT

Previous articleMapayapang eleksyon sa Negros tiniyak ng kasundaluhan
Next article2 kelot ginilitan sa Cavite