Home NATIONWIDE LTO: Kontrata sa Dermalog ‘di puputulin

LTO: Kontrata sa Dermalog ‘di puputulin

MANILA, Philippines- Itinanggi ng Land Transportation Office (LTO) na tatapusin nito ang kontrata sa Dermalog, ang service provider ng bagong online platform ng ahensya, ang Land Transportation Management System (LTMS). 

Sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II nitong Biyernes ng gabi na mas tutok ang ahensya sa pagresolba sa lahat ng mga hamong kinahaharap nito, upang makapaghatid ng mabilis at maaasahang serbisyo sa mga kliyente nito sa buong bansa.

“Our hands are full in terms of further improving our services and in delivering what needs to be delivered to our kababayan. All of these are our priority right now,” wika ni Mendoza.

Ayon sa opisyal, kabilang sa mga prayoridad nila ang patuloy na pagsisikap tungo sa full digital shift sa lahat ng transaksyon tulad ng driver’s license at motor vehicle registration. 

Inihayag niya na isa ang full digitalization sa kanilang prayoridad at sa anim na buwan niyang termino, humusay ang utilization rate ng LTMS sa 97 porsyento mula sa halos 70 porsyento lamang mula nang maupo siya sa pwesto.

Bagama’t ikinabahala ng ilang mambabatas, sa mga pagdinig sa Kamara, ang mga isyu sa kontrata, nauna nang sinabi ng Dermalog na naging maayos ang performance nito sa LTO.

Ayon sa Dermalog, halos 28 milyong driver’s licenses ang naproseso nito sa ilalim ng LTMS mula nang gamitin sa LTO,  na anito’y katumbas ng 30,000 processing at issuances kada araw.

Sa motor vehicle registration, sinabi nito na pinoproseso ng LTMS ang 70,000 hanggang 80,000 kada araw.

Dahil dito, iginiit nitong nakatipid ang mga kliyente ng LTO ng halos P1.9 bilyon sa computer fees at para sa driver’s license transactions at mahigit P3 bilyon pa para sa computer fees sa motor vehicle registration. RNT/SA

Previous articleMarijuana oil ginagamit sa vape!
Next articlePagadian City airport tigil-operasyon sa Abril 15-Mayo 15