Home NATIONWIDE LTO, mga barangay sanib-pwersa sa vehicle registration caravan

LTO, mga barangay sanib-pwersa sa vehicle registration caravan

MANILA, Philippines- Sinisilip ng Land Transportation Office (LTO) na magsagawa ng vehicle registration caravans sa tulong ng barangay officials upang tugunan ang tinatayang 24.7 milyong unregistered motor vehicles sa bansa.

Sinabi ni LTO chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II, nitong Miyerkules na isasagawa ang caravan sa buong bansa upang ilapit ang mga serbisyo ng LTO sa mga tao.

“Madali nang malalaman ng ating mga opisyales ng barangay kung sino-sino at ilan sa kanilang mga constituents ang hindi rehistrado ang mga motorsiklo at mga sasakyan. Kaya tayo po ay hihingi ng tulong sa kanila,” pahayag ni Mendoza.

“Sa pagsasagawa ng motor vehicle registration caravan, ipinapakita namin sa LTO na hindi lang kami puro enforcement,” dagdag niya.

Nilalayon din umano ng caravan na padaliin ang registration process, partikular para sa LTO clients na hirap gumamit ng online platforms.

“Extra effort ito sa amin sa LTO pero lahat ng magiging pagod ay worth it naman dahil ang pinag-uusapan dito ay ang pagtitiyak ng road worthiness ng mga sasakyan na siyang mandato ng inyong LTO,” anang opisyal.

Ayon sa datos ng LTO, halos 24.7 milyong motor vehicles sa bansa ang unregistered, karamihan ay motorsiklo, na may expired registration na hindi na ni-renew ng mga nagmamay-ari sa mga ito,

Karamihan sa delinquent motor vehicles na ito ay mula sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon regions.

Bilang tugon, pinaigting ng LTO ang implementasyon ng “no registration, no travel” policy na nagresulta sa pagsita sa daan-daang motor vehicles.

Kabilang sa mga parusa para sa unregistered vehicles ang multa o posibleng impoundment ng kanilang sasakyan. RNT/SA

Previous article16 pang bihag pinalaya ng Hamas
Next article4.5T mishandled carabeef nasamsam sa Balintawak