MANILA, Philippines – Nangako ang Land Transportation Office (LTO) na tutulong ito sa
Philippine National Police (PNP) para matukoy ang may-ari ng inabandonang sasakyan sa Pampanga na naglalaman ng P1.3 bilyong halaga ng shabu.
Matatandaan na natagpuan ng mga awtoridad nitong Biyernes, Agosto 25, ang isang pulang Toyota Avanza na may plate number na ZGS 643 sa parking lot ng isang pamilihan sa Mabalacat, Pampanga.
“We will immediately act on this. Makakaasa ang PNP na makikipagtulungan ang LTO upang matukoy kung kanino nakarehistro itong sasakyan na natagpuan sa Pampanga na naglalaman ng ilegal na droga. Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin natutunton kung kanino ito at upang maparusahan kung sino ang nasa likod ng ilegal na gawaing ito,” pagsisiguro ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II.
Hanggang sa ngayon ay iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang naturang kaso.
Idinagdag din ni Mendoza na naninindigan ang LTO sa anti-crime drive ng pamahalaan.
“Eradicating crimes in the country is a whole-of-nation approach. We in the LTO remain committed to be part of these anti-criminality measures,” pagtatapos ni Mendoza. RNT/JGC