Home NATIONWIDE LTO, PCG sanib-pwersa sa ‘no registration, no travel’ policy

LTO, PCG sanib-pwersa sa ‘no registration, no travel’ policy

MANILA, Philippines- Magkatuwang ang Land Transportation Office (LTO) at Philippine Coast Guard (PCG) sa pagpapatupad ng “no registration, no travel” policy laban sa mga hindi rehistradong private at public utility vehicles (PUVs).

Sinabi ni LTO chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II na nagpulong sila kasama ang PCG para isapinal ang strategic plan para sa pagpapatupad ng polisiya.

Ang partisipasyon aniya ng PCG ay base sa direktiba ni Transportation Secretary Jaime Bautista.

Sa pagpupulong, sinabi niya na humigit-kumulang 30 porsyento ng araw-araw na kita ng mga rehistradong PUV operator at driver ay ninakaw ng mga “colorum” o hindi rehistradong PUV.

“We understand these concerns and this is the reason why we have been strengthening our coordination and interoperability with the PCG and other law enforcement agencies against these colorum vehicles,” ani Mendoza.

Mula Enero 1 hanggang 23, 182,458 motor vehicles sa buong bansa ang nahuli bilang bahagi ng pinagsamang pagsisikap ng pamahalaan sa patakarang “no registration, no travel.”

Sa kabuuan, 48,714 ang mga sasakyang may apat na gulong habang 133,744 ang mga motorsiklo.

Sa parehong panahon, kabuuang 1,966 sasakyan na ang na-impound– 1,735 motorsiklo at 231 four-wheeled vehicles.

Pinuri ni Mendoza ang LTO-National Capital Region (NCR) sa pagkakaroon ng pinakamataas na bilang ng rehistrasyon ng mga delingkwenteng sasakyan na may 32,370, na sinundan ng LTO-Region 7 na may 22,729; LTO-Region 3 na may 22,133; at LTO-Region 4-A na may 18,428.

Sinabi ng opisyal na ang mahigpit na pagpapatupad ng polisiya ay kinakailangang para mapilitan ang mga natitirang delingkwenteng sasakyang de-motor na sumunod sa annual vehicle registration requirement ng LTO.

Batay sa datos ng LTO, humigit-kumulang 24 milyong sasakyan sa buong bansa ang nag-expire na ang pagpaparehistro at karamihan ay binubuo ng mga motorsiklo.

Bilang bahagi ng taunang proseso ng pagpaparehistro, ang mga sasakyang de-motor ay sinusuri para sa kanilang pagiging karapat-dapat sa kalsada.

Binubuo ng 24 milyong hindi rehistrado at hindi naka-check na mga sasakyang de-motor ang 60 porsyento ng kabuuang bilang ng mga sasakyan sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous article‘Cyberspace, information warfare’ kasado sa US, PH ‘Balikatan’ 2024 
Next articleDesisyon laban sa 2 environmental activist iniapela sa DOJ