MANILA, Philippines- Pumanaw na ang award-winning Filipino novelist at political activist na si Lualhati Bautista nitong Linggo sa edad na 77.
“Sad news for our Torres clan, our first cousin Lualhati Bautista died at 77 years old this morning,” pahayag ni Sonny Ross Samonte sa isang Facebook post.
Kilala si Bautista sa kanyang mga nobela tungkol sa Martial Law, as maging sa mga paghihirap ng mga kababaihan. Kabilang sa kanyang mga nobela ang “Dekada ’70,” “Bata, Bata, Pa’no Ka Ginawa,” “Desaparesidos,” at “‘GAPÔ.”
Isa sa kanyang mga apo, si Xyril Salazar, ang nagsabing mapayapang pumaw si Bautista, alas-6 ng umaga nitong Pebrero 12.
“A woman that has braved the regime of Marcos Sr. himself, never wavering and never backing down even when the dictator himself had the gun directly at her throat,” aniya.
“Ang iyong mga matutulis na salitang tumulong magpabagsak ng mga sagad-sagarang diktador; nagmulat at nagpakilos ng libo-libong mga kasamang matapang na lumalaban tulad mo,” dagdag ni Salazar.
Nagwagi ang mga nobela ni Baustista na “‘GAPÔ” (1980), “Dekada ‘70” (1983), at “Bata, Bata, Pa’no Ka Ginawa?” (1984) ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, ang pinakamatagal na literary competition sa bansa.
Nakatanggap din siya ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) awards for Best Story para sa “Bata, Bata, Pa’no Ka Ginawa?” noong 1998 at Best Screenplay para sa “Kadenang Bulaklak” noong 1994.
Ginawaran din ang “Dekada ’70” at “Bata, Bata, Pa’no Ka Ginawa” ng Best Screenplay awards sa Gawad Urian. RNT/SA