Home NATIONWIDE Lumubog na bangka na sinalpok ng foreign vessel, hinahanap na – PCG

Lumubog na bangka na sinalpok ng foreign vessel, hinahanap na – PCG

MANILA, Philippines – Sinabi ng opisyal ng Philippine Coast Guard nitong Lunes, Oktubre 9 na nagpapatuloy na ang search efforts sa lumubog na bangka sa dagat malapit sa Pangasinan na sinalpok ng isang foreign oil tanker noong nakaraang linggo.

Ayon kay Commodore Jay Tarriela, Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea, nais umano nilang marekober ang Fishing Boat Dearyn na magagamit bilang ebidensya sa posibleng ihaing kaso sa nangyaring banggaan.

“Ang intention natin, the moment na makita natin ‘yon, we’re going to salvage it, palutangin natin at dalhin natin sa pampang. Right now, ang Philippine Coast Guard ay naglalayag pa patungo sa location na ito,” pahayag ni Tarriela sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.

Noong nakaraang linggo, bumangga ang isang foreign crude oil vessel na pinaniniwalaang Marshall Islands-flagged Pacific Anna sa fishing boat ng mga Pinoy, dahilan para lumubog ito.

Nagresulta ito sa pagkasawi ng tatlong mangingisdang Pinoy kabilang ang kapitan ng bangka.

Labing-isang miyembro ng crew naman ang nakaligtas sa insidente.

Ani Tarriela, susuporta ang marerekober na bangka bilang ebidensya sa kasong ihahain ng Pilipinas laban sa may-ari ng Pacific Anna kung makukumpirmang sangkot talaga ito sa banggaan.

Nagpadala na ng liham ang PCG sa Marshall Islands kung saan nakarehistro ang barko, at humihiling na makipag-ugnayan sa may-ari at, “be cooperative in the ongoing investigation we are conducting.”

Nagpadala rin ng sulat ang PCG sa Maritime and Port Authority of Singapore, kung saan patungo ang Pacific Anna na galing ng South Korea.

“Bali ang habol natin dito ‘yong panagutin kung sinuman ‘yong may kasalanan doon sa pagsagasa sa fishing boat ng ating mga kababayan at ‘yong insurance—‘yong danyos, bayad danyos sa mga biktima,” pagbabahagi ni Tarriela. RNT/JGC

Previous articleConfi funds ni PBBM sa DA, nais ibigay ng solon sa NBI, PNP, BOC
Next articleMaliliit na magsasaka exempted sa pagbibigay ng resibo – BIR