Home NATIONWIDE Lupang sakahan, katutubo ‘di dapat ibenta sa dayuhan sa Cha-cha –  solon

Lupang sakahan, katutubo ‘di dapat ibenta sa dayuhan sa Cha-cha –  solon

MANILA, Philippines – Lubhang ikinabahala ni Senador Win Gatchalian na maaaring magbigay-daan ang pagsusulong ng pagrebyu sa 1987 Constitution na payagan mabili ng dayuhan ang lupaing sakahan at teritoryo ng katutubo.

Sa pahayag, sinabi ni  Gatchalian na ang mga lupang pang-agrikultura at teritoryo ng mga katutubo ay hindi dapat saklawin ng kahit na anong pagbabago sa Saligang Batas na magbibigay-daan sa ganap na pagmamay-ari ng dayuhan.

“Kahi sinusuportahan natin ang   patakaran upang makaakit ng   dayuhang pamuhuna na tutulong sa paglago ng ekonomiya, hindi natin dapat pahintulutan na mawalan ng pagkakakitaan ang ating magsasaka at katutubo,” ayon kay Gatchalian.

Binigyang-diin ng senador ang puntong ito bilang tugon sa pahayag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na nagsasaad na ang pag-amyenda sa Konstitusyon ay maaaring maglantad ng tinatayang 14.2 milyong ektarya ng alienable at disposable public lands, batay sa datos ng National Mapping at Resource Information Authority, sa posibleng 100% na pagmamay-ari ng mga dayuhan.

Ayon kay Gatchalian, ang pagtanggal ng karapatan sa magsasaka sa pagbubungkal ng lupaing pang-agrikultura ay magdudulot ng mas malaking problema para sa bansa dahil ito ay magpapalala sa kawalan ng pagkain, lalo na’t ang bansa ay isang net importer ng   pangunahing produktong agrikultura, kabilang ang bigas at iba pang mahahalagang bilihin.

“Hindi natin mapapayagan na pigilan ang mga magsasaka sa pagtatanim dahil maraming magugutom. Taliwas ito sa inaasam-asam natin na pag-unlad ng buong bansa,” sabi ng mambabatas.

Binigyang-diin pa niya na ang pagpapaalis sa mga katutubo sa kanilang nasasakupan ay magdudulot ng problema sa pabahay at maaaring mauwi sa kaguluhan. Aniya, may mahalagang papel ang mga katutubo sa pangangalaga ng lupa, na isang mahalagang bagay laban sa climate change at mga layunin sa pagbuo ng resilience sa mga natural na kalamidad.

Nauna nang sinabi ni Gatchalian na lubos niyang sinusuportahan ang mga talakayan sa pag-amyenda sa 1987 Constitution ngunit ang mga naturang pag-uusap ay dapat na limitado sa mga probisyong pang- ekonomiya. Ernie Reyes

Previous articleParak na sangkot sa ‘missing beauty queen’ sinibak sa serbisyo
Next articleBI kinastigo ni Poe sa pagbibigay ng work visa sa fake firms: Banta sa seguridad