SA ngayon, iilan na lang ang nagrereklamo, kahit pa ang presyuhan ng sibuyas sa palengke , na P320 bawat kilo, ay mahigit pa ring 300 porsiyentong mas mataas kumpara sa bentahan nito noong 2019. Ang karaniwang sentimyento ng mamimili, “buti na lang mas mababa na sa P700 kada kilo.”
Huwag sana nating kalimutan na ang mga nakinabang sa kunwaring kakapusan ng sibuyas sa merkado tatlong buwan ang nakalipas bago mag-Pasko ay humahalakhak ngayon na parang demonyo habang papunta sa bangko. At nakalusot sila nang ganoon-ganoon lang.
Noong nakaraang linggo, walang nakuhang sagot si Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo mula sa Department of Agriculture nang tanungin niya kung may onion cartel ba sa bansa.
***
Sa anim na buwan, naranasan natin ang paglobo ng presyo ng isda, manok, itlog, asukal, sibuyas, at iba pa, at sa presyong hindi katapat ng lohikal na inflation.
Maging si Sen. Cynthia Villar, na minsan nang nagsabi na kaya raw mabuhay “nang walang sibuyas,” ay mistulang natauhan nang kuwestiyunin niya kung bakit walang hoarders at price manipulators ng mga produktong agrikultural ang nakukulong.
***
Bilang aksiyon, naghain ng panukala si Sen. JV Ejercito upang mapalawak ang nasasaklawan ng Anti-Agricultural Smuggling Act sa pamamagitan nang pagpapataw ng mas matitinding parusa sa hoarders, profiteers, at cartels ng mga produktong agrikultural.
Tama ang impresyon ni Ejercito sa mga ganitong paglabag, na para sa kanya ay pananabotahe sa ekonomiya. Sana lang, kapag naisabatas na ito, ay makita na natin, at ni Villar, na maparusahan ng kalaboso ang mga halimaw na cartel na nasa likod ng mga ganito.
* * *
Sa isa pang isyu, ang panawagan ni Ejercito para unti-untiin ang pagpapaalis ng Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa ay hindi nagawang baguhin ang una ko nang paninindigan sa usaping ito.
Bagamat naiintindihan kong ang pagpapaalis sa POGOs ay magdudulot ng pagkawala ng pagkakakitaan ng 25,000 Pilipino, ang pinsalang naidudulot nito sa lipunan at sa ekonomiya ay higit na malalagay sa alanganin kung papayagan nating manatili ang industriyang ito.
Higit na nananaig ang kaway ng korapsiyon kaya naman nagmistulang inutil na ang Philippine Amusement and Gaming Corporation at ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno sa pagre-regulate sa POGOs, gayundin sa pagsubaybay at pagbubuwis dito. Bukod pa rito ang mga krimeng iniuugnay sa industriya ng sugal.
Ang unti-unting phase-out ay nangangahulugang kailangan nating kunsintihin ang money laundering, mga pagdukot, panunuhol, prostitusyon, human at drug trafficking hanggang tuluyang maglaho sa bansa ang POGOs.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.