BUMALIK na ang serbisyo ng cremation sa Manila North Cemetery na natigil kamakailan dahil sa may mga iniayos sa pasilidad.
Para sa kaalaman ng marami, hindi libre ang serbisyo ng cremation sa MNC subalit hamak na mas mababa ito kaysa sa presyo ng mga puneraryang nagseserbisyo.
Mas mahal din naman kasi ang singil sa pribadong crematorium kung kaya siyempre mas mataas ang singil ng punerarya.
Ngunit ang mga totoong mahihirap sa Maynila ay pinagkakalooban ng tulong ng ilang opisyal ng pamahalaan ng nasabing lungsod. Siyempre, iba ang tulong ng nakaposisyon sa Kongreso.
Si Manila 3rd District Rep. Joel Chua ay nagbibigay ng tulong sa kanyang constituents na nasasakupan ang Binondo, Sta. Cruz at Quiapo.
Madaling lapitan itong si Rep. Chua tulad nang paghingi ng tulong ng isang pamilya na ang kaanak ay nasawi sa pagamutan noong nakaraang linggo.
Nagpabigay ng sulat itong mambabatas sa nanghingi ng tulong para sa isang nagngangalang “Bunso” upang mailibre na ang cremation sapagkat mas mahal nga naman kung ibuburol pa dahil magbabayad pa sila ng ataul at serbisyo.
Sa madaling salita, naiabot ang “sulat pakisuyo” kung kanino ito naka-address at naging maayos ang pagtanggap ni Bunso sa pamilyang nanghihingi ng tulong. Naiskedyul ang cremation. Lamang, nakalimutan ng pamilya na kunin ang mobile number ni Bunso pero nakuha naman nila ang mobile number ng isang empleyado ng crematorium na nagngangalang “Raul.”
Dahil pagod na itong pamilya ng ‘patay’ sa maghapong pag-aayos ng papeles, hindi na nila kaya pang bumalik sa MNC kaya naman naisipan nilang makitawag na lang dahil wala rin silang ‘load’ na pantawag.
Sa madaling salita, natawagan si Raul at nang magtanong ang pamilya kung pwedeng manghiram ng ataul dahil gusto rin naman nilang maidokumento at makita ng ibang kamag-anak na nasa ataul bago sunugin, hindi na maganda ang sagot ni Raul at halos sumigaw na ito.
Hindi bingi ang kanyang kausap para pagtaasan niya ng boses at hindi dahil nahingi ng mga ito nang libre ang pagpapa-cremate ng kanilang patay ay may karapatan na itong empleyado ng MNC Cemetery na sumigaw na tila napakababang uri naman ng kanyang kausap.
Nang kausapin ng Pakurot itong si Raul, mataas pa rin ang tono ng kanyang boses kung kaya’t itinanong na ng inyong lingkod ang kanyang apelyido at matikas na sinabi niyang siya si “RAUL CASTRO”.
Mr. Castro, pwede namang maging maayos ang sagot mo sa pamilya at hindi kailangang pasigaw. Eh kung ikaw kaya ang sigawan ko? Matutuwa ka ba?
Dahil nais ng Pakurot na ireklamo ang kagaspangan ng ugali ng empleyado ng MNC na si Raul, natanong natin si JR Reyes, kolumnista at reporter ng Remate, kaugnay sa MNC.
Ang sagot niya, mabait, maayos at mahusay ang director ng MNC na si Roselle “Yay” Casteñeda at hindi nito kukonsintehin ang maling gawa ng kanyang tauhan.
Naniniwala ako sa mga katangiang binanggit ng ating kolumnista kaugnay sa director ng MNC dahil ayon sa pamilyang humingi ng tulong kay Chua, maayos silang hinarapa at kinausap ni Bunso malamang, aral itong huli kay Castañeda.
Maayos ang hepe o opisyal ng MNC, sana lang ang mga tauhang katulad ng inirereklamong si Raul ay huwag umasta na “langaw na nakatungtong sa kalabaw.”