Personal na binisita ni Senator Christopher “Bong” Go, chair ng Senate committee on health and demography, ang Jordan, Guimaras noong Biyernes upang tiyakin kung maayos ang kalidad ng serbisyoo at operasyon ng isang Malasakit Center sa naturang bayan.
Nagsagawa si Go ng monitoring visit sa Malasakit Center sa Dr. Catalino Gallego Nava Provincial Hospital (DCGNPH) kung saan ay binigyang-diin niya na mayroon na ngayong 157 Malasakit Centers sa buong bansa na nagsisilbing one-stop shop para sa mga medical assistance program ng pamahalaan.
“Ako po ang chairman of committee on health sa Senado at ako rin ang chairman on sports. Kaya Mr. Malasakit, mayroon tayong 157 na Malasakit Centers sa buong Pilipinas, kasama na po ang Guimaras,” ani Go.
Unang itinatag sa Cebu noong 2018, ang Malasakit Center ay isang opisina na pinagsama-sama ang mga ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office upang tulungan ang mahihirap na pasyente na kanilang bayarin sa ospital.
“Doon ko po nakita ‘yung puso ni (dating) mayor Duterte sa mga mahihirap. Noong naging presidente s’ya, sinubukan namin, nilagay namin sa Cebu sa isang kwarto sa loob ng ospital ‘yung apat na ahensya na may medical assistance programs para hindi na mag-ikot o pumila pa ang mga pasyente sa ibang opisina,” gunita ni Go.
“Ngayon po, mayroong 700 thousand patients sa Cebu alone at seven million na po ang natulungan sa buong Pilipinas ng Malasakit Center. Iyan po ang natutulungan ng Malasakit Center ngayon. Kaya isinabatas natin itong Malasakit Center noong ako ay naging senador,” patuloy niya.
Si Go ang principal author at sponsor ng Malasakit Centers Act of 2019.
Sa kanyang pagbisita, namahagi rin ng tulong si Go sa 217 pasyente at 512 frontliners sa ospital, kinabibilangan ng security guard, utilities, at iba pang kawani. Namigay rin sila ng mga bisikleta, sapatos, mobile phone, at relo sa mga piling benepisyaryo.
Nagbigay din ng tulong pinansyal ang DSWD sa 118 kwalipikadong pasyente.
Binanggit ng senador na magkakaroon din ng mga Super Health Center sa lalawigan, kabilang ang Jordan, Nueva Valencia, at Buenavista.
Pinangunahan niya ang groundbreaking ng Super Health Center sa bayan ng Buenavista at ang relief operation para sa mga mahihirap. RNT