MANILA, Philippines – Hiniling ng Military Ordinariate of the Philippines (MOP) na isulong ang maayos na pagpapatupad ng Manadatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at pagtutulungan ng pamahalaan upang makamit ang mabuting layuning ng hakbang.
Ito ang mensahe ni MOP Bishop Oscar Jaime Florencio sa posibilidad ng pagpapatupad ng Mandatory ROTC sa Senior High School Levels Grade 11 at 12 kasama ang antas ng kolehiyo.
“Maganda po ang pagsusulong ng ROTC program if they are implemented well: on the different values that are enshrined in the program that would go down to the core of our young people,” ayon sa ipinadalang mensahe ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo ang pagtutulungan ng bawat isang kabilang sa pamahalaan, local government units at mga mamamayan upang maisulong ang pangangalaga sa mental health ng mga kabataan.
Ang pahayag ng Obispo, ay matapos ihayag ni Department of Defense Acting Secretary Carlito Galvez na sa pamamagitan ng ROTC ay mapapatibay ang moral, pamumuno at katibayan ng loob na tutulong naman sa pagpapatibay ng mental health ng kabataan.
Upang matiyak naman ang pagiwas o pagwawaksi sa marahas na pamamaraan ng hazing at bullying sa hanay ng mga estudyante ay mahalaga din ang mahigpit na pagbabantay ng mga institusyon o paaralan kung saan idadaos ang ROTC.
Ito ay upang matulungan ang Department of Defense at iba pang sangay ng pamahalaan na mapangalagaan ang kapakanan ng mga estudyante laban sa hazing kung matutuloy ang Mandatory ROTC.
Patuloy naman ang senado sa pagdaraos ng mga pagdinig upang talakayin ang pagpapatupad ng ROTC sa mga paaralan sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden