SARIAYA, Quezon- PATAY ang mag-ama habang sugatan ang isa matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kasalubong na motorsiklo hanggang sa mahulog ang mga una sa kanal noong Linggo sa bayang ito.
Dead-on-the-spot ang mag-amang Renato Ramirez, 51-anyos at anak nitong si Jeremy Ramirez, 24-anyos, driver ng motorsiklo at kapwa residente ng Brgy. Lutucan Malabag sa nasabing bayan.
Sugatan naman ang nakabanggaan ng mag-ama na si Rogelio Cagas, 38-anyos, residente ng Brgy. Lutucan 1.
Sa report na nakarating sa Quezon Police Provincial Office, naganap ang insidente sa Brgy. Poblacion 4, ng naturang bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng batang Ramirez ang motorsiklo angkas ang kanyang ama at pauwi na sana sila sa kanilang tahanan matapos makipag-inuman.
Mabilis umano ang patakbo ng motorsiklo ni Jeremy dahilan para mabangga ang mga ito sa kasalubong na si Cagas.
Sa lakas ng pagkakabangga, dumiretso sa kanal ang motorsiklo ng mag-ama at kapwa tumilapon ang mga ito na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.
Dinala naman sa ospital ang sugatan na si Cagas para lapatan ng lunas ang tinamo nitong sugat.
Muli naman nagpaalala ang mga awtoridad sa mga motorista na huwag magmaneho ng kahit na anong uri ng sasakyan lalo na kapag nasa ilalim ng impluwensya ng nakalalasing na alak para maiwasan ang kaparehong aksidente./Mary Anne Sapico