MANILA, Philippines – Patay ang mag-ama habang sugatan ang isang 8-anyos na bata sa insidente ng pananaksak at pagpapasabog sa Barangay Maliksi 1, Bacoor City, Cavite.
Kinilala ang namatay na mga biktima na sina alias Ronaldo (anak) habang namatay habang ginagamot sa Southern Tagalog Regional Hospital ang ama nito na si ‘Alfredo’ (tatay) dahil sa saksak sa katawan.
Ginagamot din sa nasabing ospital ang isang 8-anyos na batang lalaki dahil sa tinamong sugat sa katawan bunsod ng pagsabog.
Tinutugis na ng pulisya ang suspek na kinilalang si alyas ‘Tuyo’ at ‘Harry, at isa dito ay bayaw/manugang ng mga biktima na tumakas matapos ang insidente.
Base sa ulat ni PMSG Roberto Lacasa ng Bacoor CPS, dakong alas-3:30 ng hapon nang naganap ang insidente sa Brgy. Maliksi 1 ng nasabing lungsod.
Una rito, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sina Ronald at bayaw nito na si ‘Tuyo’ at dahil dito, inabangan ng mga suspek ang pagdaan sa lugar ng biktima at walang sabi-sabing pinagsasaksak ito.
Nakita naman ito ng ama na si Alfredo kaya tinangka nitong tulungan ang anak pero pinagsasaksak din siya ni alyas ‘Harry’ sa dibdib na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Kasunod nito, isang bagay ang itinapon ni alyas Ronald at tinamaan ang 8-anyos na bata na dumadaan lamang sa lugar nang mangyari ang insidente.
Pawang isinugod sa ospital sina Alfredo at ang 8-anyos na bata subalit namatay din ang una.
Nag-ugat ang insidente makaraang nagsumbong ang kapatid na babae ng biktima makaraang nagtalo sa asawa nito dahilan upang komprontahin ang bayaw na nagresulta sa pananaksak.
Patuloy ang isinagawang paghahanap sa dalawang suspek na tumakas matapos ang pananaksak. Margie Bautista