MANILA, Philippines – Arestado ang mag-ama na hinihinalang tulak ng illegal na droga, kasama ang kanilang pinagkukunan umano ng droga sa isinagawang magkasunod na buy bust operation ng pulisya sa Malabon City.
Unang nadakip ng mga tauhan ng Malabon Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na pinamumunuan ni P/Capt. Alexander Dela Cruz ang mag-amang Joel, 51, at Aljoe Tamayo, 27, kapuwa residente ng Block 17, Lot 40, Phase 2, Area 3, Dagat-dagatan Brgy. Longos, matapos pagbentahan ng halagang P500 ang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-11:30 ng gabi sa kanto ng Hasa-Hasa at Langaray Streets sa Brgy. Longos.
Sa ulat ni Capt. Dela Cruz kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, nakumpiska nila sa mag-ama ang tinatayang 5.9 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P40,120, pati na ang markadong salapi na ginamit sa buy-bust operation.
Dahil dati namang naglilingkod bilang barangay tanod ang matandang Tamayo, napilitan siyang inguso ang pinagkukuhanan nilang mag-ama ng ibinebentang shabu na naging daan upang iutos ni Col. Daro kay Capt. Dela Cruz na muling magsagawa ng operasyon bilang tugon na rin sa programa ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/BGen. Jonnel Estomo na S.A.F.E. NCRPO.
Dakong alas-3:30 ng madaling araw nang matagumpay na nadakip sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa kanto ng Hiwas at Labahita St. sa Brgy. Longo si Paquito Dulay, 46, residente ng Block 9B, Lot 43, Hito St, Brgy. Longos, matapos niyang iabot ang isang maliit na pakete ng shabu sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng P500 markadong salapi.
Sinabi ni Col. Daro na nakuha sa suspek ang tinatayang shabu na tumitimbang ng 6.9 gramo na nagkakahalaga ng P47,120 at ang markadong salapi na ginamit sa operasyon.
Ang tatlong nadakip ay kasalukuyan pang nakapiit sa custodial facility ng SDEU habang inihahanda ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa kanila. Boysan Buenaventura