Home METRO Mag-asawa, 2 anak patay sa sunog

Mag-asawa, 2 anak patay sa sunog

CEBU CITY- HINDI na nagising pa ang apat na miyembro ng pamilya na kinabibilangan ng mag-asawa at dalawa nilang anak matapos tupukin ng apoy ang kanilang tahanan kabilang ang 16 pang kabahayan kaninang madaling-araw, Pebrero 27 sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Rosita, asawa nitong si Parolito Otadoy, at mga anak na sina Jeffrey, 12-anyos at Joseph Otadoy, 14 anyos, lahat ay residente ng Sitio Sta. Lucia, Barangay Tinago, Cebu City.

Batay sa report ng Bureau of Fire Protection Cebu City, bandang 1:00 AM nang maganap ang sunog sa bahay ng pamilya Otadoy.

Ayon kay Monaliza, isa sa mga anak ng mag-asawang Otadoy, nagising na lamang siya na nagliliyab na ang kanilang bahay.

“Sumigaw po ako ng sunog, sunog, nasa 3rd floor po ng bahay ang aking mga kapatid at magulang hindi ko na nagawa pang umakyat dahil ma-trap ako bitbit ko palabas ang aking 1-taon gulang na anak,” ani Monaliza.

Dahil gawa sa light materials ang mga kabahayan, mabilis itong kumalat at nadamay ang 16 na bahay subalit ang tatlong bahay kasama ang bahay ng pamilya Otadoy ay tuluyan natupok.

Naapula naman ang sunog bandang 1:46 AM at nadiskubre ang bangkay ng mag-asawang Otadoy at kanilang 2 anak.

Pansamantala naman inilikas sa isang paaralan sa Barangay Tinago ang mga residenteng naapektuhan ng sunog.

Inaalam na ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog at halaga ng mga ari-arian tinupok ng apoy. Mary Anne Sapico

Previous articleHalos 100 biktima nascam sa pekeng Taylor Swift tickets nagpasaklolo sa NBI
Next articleLotto Draw Result as of | February 27, 2024