NUEVA VIZCAYA- Posibleng agawan sa lupa ang isa sa ikinukonsiderang anggulo sa ginagawang imbestigasyon matapos na pagsaksakin ang mag-asawang magsasaka sa Sitio Kalingkingan, Purok 7, Barangay Buenavista, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya ay may person of interest na sa karumal-dumal na pagpatay sa mag-asawang sina Carlos Palonya Bala-wa, 53-anyos, at Julie Daligue Bala-wa, 52-anyos, kapwa residente ng Barangay Buenavista dito sa nasabing bayan.
Batay sa report ng Bayombong Police Station, dakong alas-11:00 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng mag-asawa sa Sitio Kalingkingan Purok 7 ng nasabing bayan.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, Linggo ng umaga umalis ng bahay ang mag-asawa at nagtungo sa kanilang sakahan sa nasabing lugar para kumpunihin ang sirang hose na pinagkukunan ng tubig ng buong Forest Area sa nasabing barangay.
Kwento ng anak na babae ng mag-asawang Bala-wa, kinabukasan ng Lunes ay nagtaka sila kung bakit hindi pa umuuwi ang kanyang mga magulang kaya nagpasya na silang puntahan ang mga ito sa bukid.
Laking-gulat na lamang nila nang tumambad sa kanilang harapan ang bangkay ng kanyang mga magulang na tadtad ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat ng pulisya hinggil sa krimen at mayroon na silang persons of interest na posibleng may kinalaman sa away-lupa ang motibo. Mary Anne Sapico/Rey Velasco