HALOS tatlong buwan na lang ay sasapit na muli ang kapaskuhan. Kaya naman inihahanda nang gayakan ang ating mga Christmas tree. Siyempre, hindi makukumpleto ang dekorasyon kung walang kumukutikutitap na Christmas lights. Isa ito sa pinakamabenta kapag sumasapit ang okasyon.
Kaya tulungan n’yo ako dear readers sa pagbibigay at pamamahagi ng paalala sa ating mga kababayan. Doon lamang po tayo sa awtorisadong tindahan magpunta at ugaliin ang pagiging mapanuri para hindi tayo malusutan ng peke at dispalinghadong décor na maaaring maging dahilan ng sunog.
Babala naman po sa ilan nating kababayan na walang lisensiya sa pagbebenta, mas mainam na ligtas at ligal ang ating negosyo. Delikado po kasi kung hindi po dumaan sa pagsusuri ang ating mga iniaalok. Alam naman po natin ang matinding epekto ng sunog sa bawat biktima nito at baka pati po tayo at ang miyembro ng pamilya ay madamay sa lagablab ng hindi inaasahang apoy.
Bago ialok sa merkado, ito ay nangangailangan ng sertipikasyon mula sa Bureau of Philippine Standards ng Department of Trade and Industry.
Meron kasing listahan at requirements ang BPS para sa tinatawag na ‘Products Under Mandatory Certification’ at kabilang doon ang Christmas lights sa ilalim ng kategoryang “Lighting and Wiring devices.” Isa itong paraan ng ahensiya para tuluyang makontrol at mapigilan ang mga hindi awtorisadong nagbebenta ng Christmas lights at mapuksa ang imitasyon at substandard na produkto. Para sa karagdagang detalye, i-browse ang www.bps.dti.gov.ph.
Kung sakali namang masira ang certified na electrical decor, mas makabubuting ipadala ito sa rehistrado at awtorisadong repair shop.
Maaaring katipiran ang ugaling do-it-yourself o “DIY” pero walang garantiyang magiging ligtas ang ating kabahayan sa inisyatibong hindi garantisado lalo na kung hindi naman tayo sertipikadong electrician.
Ang magkaroon ng garantiyang ligtas tayo at ang kabahayan sa araw-araw mula sa mapamuksang apoy na maaaring idulot ng Christmas lights ay maituturing na malaking savings.
Kaya bumili lamang tayo ng sertipikadong produkto sa awtorisadong tindahan dahil ito po ang tama at ligtas habang masayang pinanonood ang kumukutikutitap na Christmas lights sa paparating na Kapaskuhan.