Home OPINION MAG-INGAT SA PAGIGING ‘COURIER’  

MAG-INGAT SA PAGIGING ‘COURIER’  

144
0

LIKAS sa ating mga Pilipino ang pagiging mapagtiwala at mapagmalasakit. Ilan ito sa mga katangiang kinagigiliwan at hinahangaan ng ibang lahi.  Tulad na lamang nang pagtanggap sa mga pakisuyo o padala ng anomang gamit o pasalubong kapag mangingibang bansa.

Ang problema, papaano kung ang ipinakisuyo pala sa’yo ay naglalaman ng droga o kaya naman ay mga item na restricted sa airport of destination? Aba, malaking problema ito.

Siyempre hindi mo ito basta-basta mapapansin. Maaaring parcel ‘yan na nakabalot nang husto o itinago ang bawal na item sa loob ng sapatos, pigurin, makapal na libro, laruan, damit, pagkain tulad ng napabalitang “black cocaine” at iba pa upang magmukhang normal at mawala ang anomang paghihinala.

Pero dahil makabago na ang teknolohiya pagdating sa pagsawata ng Bureau of Customs lalo na sa drug trafficking at smuggling eh malaki ang posibilidad na mahuli ang sinomang may dala nito bago pa man makabiyahe.

Kung makalusot man sa ating bansa sa kabila ng paghihigpit ng awtoridad, maaari ka pa ring matimbog, makulong o mahatulan ng capital punishment sa bansang pupuntahan tulad ng China at Indonesia dahil sa pagbibitbit ng illegal drugs.

Kung mga restricted item naman ang naipadala sa’yo, eh puwede kang ma-detain sa airport, magmulta, kumpiskahin ang epektos at maaari pang makulong lalo na sa mga item na walang deklarasyon at permiso. Sa katunayan, may kaibigan tayong nagbaon ng chicharong baboy papuntang USA, kinumpiska ito ng US Customs dahil ayon daw sa Centers for Disease Control and Prevention restricted ang item na ito. Maliban sa pagkumpiska, nagbayad siya ng multang aabot sa halos USD 600 na hindi man lang natikman ang sarap ng kamahal-mahal na chicharon, he-he-he.

Kaya sa ating mga kababayan na bibiyahe, maging alisto at alerto tayo. Alamin ang mga restriction dito sa atin at sa bansang pupuntahan. Huwag magdala ng “anting-anting” na basyo ng bala. Suriing mabuti ang inyong mga bagahe, inspeksiyunin ang bawat maleta pati mga bulsa nito at siyempre pati ang mga “padala” para masigurong walang aberya.

Kung sa tingin ninyo na kaduda-duda ang item na ipinakikisuyo lalo na kung walang maayos na dokumento o permiso, tanggihan natin ito at ibalik sa nagpapadala.

Previous articleIRREPLACEABLE SI TOOTS OPLE
Next article#WalangPasok, Huwebes, Aug. 31, 2023

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here