MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Taguig City police ang dalawang magkapatid na nahulihan ng ₱741,000 halaga ng shabu at marijuana/kush bago maghatinggabi ng Biyernes, Disyembre 20.
Kinilala ni Taguig City police chief P/Col. Joey Goforth ang nadakip na babaeng suspect na si alyas Rosario, high value individual (HVI), 52, at ang kanyang nakatatandang kapatid na lalaki na si alyas Rio, street level individual (SLI), 54.
Base sa report na isinumite ni Goforth kay bagong talagang director ng Southern Police District (SPD) na si PBGEN Manuel Javier Abrugena, naganap ang pagdakip sa magkapatid na suspects dakong alas 11:30 ng gabi sa Brgy. Sta. Ana, Taguig City.
Sinabi ni Goforth na habang nagsasagawa ng foot patrol ang mga tauhan ng Taguig City police Sub-station 4 ay natiyempuhan ng mga ito ang magkapatid na suspects na nagsasagawa ng kanilang ilegal na aktibidad na nagresulta ng kanilang agarang pagkakaaresto.
Narekober sa posesyon ng mga suspects ang dalawang nakataling transparent plastic at isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng kabuuang 103 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱700,400 at isang nakataling transparent na naglalaman naman ng pinatuyong dahoon ng marijuana Kush na may bigat na 29 gramo at nagkakahalaga ng ₱40,600 na nakalagay sa loob ng nakumpiskang handbag.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis.
Ang magkapatid na suspects ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Taguig City police habang kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kanilang kinahaharap sa Taguig City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan