Home OPINION MAGALING NA EKONOMISTA SI RECTO

MAGALING NA EKONOMISTA SI RECTO

MASUSUBUKAN ngayon ang tibay ng dating senador at bagong itinalagang Finance Secretary Ralph Recto,sa gitna ng mga suliraning pang ekonomiya kabilang ang mahal na presyo ng mga pangunahing bilihin dulot ng mataas na inflation rate at higit sa lahat ay mga stratehiyang ipatutupad upang tustusan ang national budget ng bansang umabot sa P5 trilyon ngayon taon.

Sa usapin ng 2024 budget pa lang, aba’y kailangan makalikom ang pamahalaan ng P20 bilyon kada araw para panggastos sa National Expenditures Program ng gobyerno kung saan malaki ang inilaan para sa Infrastructures at Social Services, at iba pang programa at proyektong sadyang kailangan ng bansa sa unti-unting pag-angat nito mula sa hagupit ng krisis.

Kunsabagay, hindi na bago kay Recto ang ganitong hamon at isyu hinggil sa mga problemang pang-ekonomiya bunsod sa noong panahon ni dating Pangulong Gloria ay naging pangunahing author ito ng Value Added Tax Law na naging panangga ng bansa laban sa Asian Financial Crisis noong 2008.

Bagaman umani ng batikos ang dating kalihim ng NEDA dahil sa VAT subalit malaki ang nakuha nitong pondo na ginamit ng administrasyon ni GMA sa pagpapatupad ng mahahalagang programang pinakinabangan naman ng sambayanan.

Kumbinsido ang mga senador na dating kasama ni Recto na hinog na hinog na ito para sa kasalukuyang posisyong pinaniniwalaang malaki ang magagawa ng magaling na ekonomista upang mapalakas pa ang kalagayan ng bansa sa usapin ng mga repormang pinansyal na kaakibat naman sa pag-ahon nito.

Ang hindi alam ng karamihan  sa ating mga kababayan, si Recto ang may akda ng 4Ps na pinakikinabangan na ngayon ng higit 4 milyong pamilyang ginagamit nito upang itawid ang kanilang mga estudyante sa pamamagitan ng  cash grants.

Hindi lang ‘yan,marami pang importanteng mga panukalang naisabatas si Recto tulad ng Murang Kuryente Act, Tax Amnesty Act, Universal Health Care Act, Comprehensive Feeding Program at iba pang pinakikinabangan na ng nakararaming mamamayan lalo na ang nasa laylayan ng lipunan.

Previous articleANG PASAPORTE
Next articleSIBAKAN SA OFWs, OBRERO SA AI PAGHANDAAN