Home OPINION MAGANDANG BALAK SA AGUSAN DEL NORTE

MAGANDANG BALAK SA AGUSAN DEL NORTE

NABALITAAN ko ang magandang balak ng mga opisyal sa Agusan del Norte, lalo na sa kanilang Arimbungog Falls sa may Sitio Zapanta, Barangay Bangayan ng munisipalidad ng Kitcharao.

Sabi nila,  ang Sitio Zapanta ay tahanan ng mga katutubo o indigenous people (IP), mula sa tribo ng Mamanwa at Manobo, na napagsamantalahan ng mga komunistang-terorista sa probinsya.

Sa pagtatagumpay ng pamahalaang  mabawi ang kapayapaan at kaayusan sa lugar, nagbukas ito ng magandang pagkakataon para magkaroon ng kaunlaran at kabuhayan  sa nasabing lugar.

Namangha nga ang kanilang Governor na si Ma. Angelica Rosedell M. Amante nang bisitahin nito ang Arimbungog Falls, na nasa kaloob-looban ng Sitio Zapanta, na tila isang likas na yamang hitik sa kagandahan.

Maari nga raw itong gawing “tourists attraction”, ayon sa gobernadora, na tinuring na itong magiging ‘blockbuster tourist destination’ dahil sa kagandahan nito.

Pinahahalagahan din ni Governor Amante ang IPs na naninirahan sa paligid ng Arimbungog Falls na maaaring maging kaakibat ng lokal na pamahalaan ng probinsya upang pagbantayin sa nasabing falls, at mabigyan din sila ng kabuhayan kung bubuksan nila ang lugar para sa mga turista.

Hindi ba’t magandang balak talaga ito?  Sa mahabang panahong pineste ito ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF, magiging ligtas pa ang mga IP na naninirahan at matagal nang may naitatag na komunidad doon.

Ang IP lider ngang si Datu Lando Anlagan, sa Barangay Bangayan, ay itinaya na ang kanilang pakikiisa sa lokal na pamahalaan at panawagan ng mga opisyal upang paghandaan na ang pagbubukas ng lugar sa mga turista.

Ipinangako rin niya na kanilang poprotektahan at iingatan ang likas na yamang nagbibigay sa kanilang tribo ng kaginhawahan, at ngayon ay maaari pang magbigay ng kabuhayan.

Kasama sa kanilang mga pangako ay ang “hinding hindi na muling maniniwala” sa panloloko ng mga komunistang-terorista.

Ito raw ang nagdulot ng kahirapan sa kanilang tribo at kabiguang paunlarin ang kanilang komunidad.

Kelan ba talaga gumawa ng maganda ang CPP-NPA-NDF?

Previous articleDOLE HANDANG TULUNGAN ANG MGA apektadong TRANSPORT WORKER
Next articleANG ‘P.I.’ NA ‘YAN!