Home OPINION MAGBAKWIT, MAG-INGAT HAMAS-ISRAEL WAR

MAGBAKWIT, MAG-INGAT HAMAS-ISRAEL WAR

GAANO pa ba karami ang dapat magbakwit na Pinoy mula sa Gaza at Israel dahil sa napakadugong giyera ng Israel at Hamas sa dalawang lugar?

Isama na rin sa ating katanungan ang mga Pinoy na nasa Jordan, Lebanon, Syria at Yemen dahil may nakikipaggiyera na rin ang mga Hamas at Hezbollaj sa Lebanon, Houthi sa Yemen at mga kasama ng mga ito sa Jordan.

Alam nating libo-libo ang mga Pinoy sa nasabing mga bansa at lumalabas na pinakamarami ang matatagpuan sa Jordan sa bilang na mahigit 40,000 at sumusunod dito ang Israel – 30,000; Lebanon – 17,000; Syria, 5,000; at Yemen – 150, Syria.

Napakalaking alalahanin ng buong bansa ang nagaganap na giyera sa maraming dahilan.

Una, buhay at kamatayan ang nakataya mismo sa hanay ng mga overseas Filipino worker na naroroon sa mga bansang nabanggit.

Ikalawa, libo-libong pamilya rin sa Pilipinas ang umaasa sa mga ito at tiyak nang may mga naapektuhan ng pagkamatay ng ilang OFW at mga nawawalan ng trabaho, kasama na ang mahigit nang 200 naibakwit ng pamahalaan sa tulong ng ibang mga bansa pabalik sa Pinas.

Ikatlo, apektado maging ang pamahalaan sa pagbabawas ng mga dayuhang salaping remittance o padala ng mga OFW at gamit nito sa pakikipagkalakalan sa ibang bansa.

Ikaapat, hindi simple ang problema kaya naman lahat ng kinauukulang mga ahensya ng gobyerno ay kumikilos nang may malalaki ring gastos na malaking kabawasan para sana sa mga proyektong pakikinabangan ng lahat.

Ikalima, kung magkamali ang pamahalaan sa mga desisyon nito ukol sa giyera, sa harap ng mga kampihan at kontrahan ng mga bansa sa mga naglalabanang panig, baka maapektuhan ang buong bansa sa usaping panlabas na relasyon, suplay ng langis, pakikipagkalakalan, empleyo ng mga OFW at iba pa.

MAG-INGAT, MAG-INGAT

Kaugnay ng ikalima, alalahaning simula ng nagkagiyera, may 9 nang bansang binawi  o pinutol ang ugnayan sa Israel gaya ng South Africa at Bolivia habang pinauwi ng mga bansang Turkiye, Chad, Bahrain, Colombia, Chile, Honduras, at Colombia ang kanilang mga ambassador o konsulado nila mula sa Israel.

Ipinagbawal na rin ng Turkiye ang coke na produktong United States at Nestle na produktong Switzerland.

Hindi ring imposible na magkaroon ng panibagong oil embargo gaya ng nangyari noong 1973-1974 na giyera rin ng Israel at mga Arabong bansa sa paligid nito.

Ang pagtugon sa giyera ay dapat na nakatuon higit sa interes ng Pilipinas at hindi ito makukuha sa kampihan sa naglalabanang panig.

Uulitin natin, napakaraming nakatayang interes ang Pinas gaya ng empleyo ng mga OFW, suplay ng langis at kalakalan na nakataya sa giyera at anomang pagkakamali natin, ng pamahalaan lalo na, sa pagtugon sa giyera ay tiyak na makasisira sa interes ng buong bansa.

Kaya dapat tayong mag-ingat, mag-ingat at mag-ingat.

Previous articleMGA NANALO SA BSKE MAAARING MAUPO AGAD
Next articleLotto Draw Result as of | November 9, 2023