Home OPINION MAGHANDA PARA SA OFWs SA MIDDLE EAST

MAGHANDA PARA SA OFWs SA MIDDLE EAST

NAKATITIYAK tayo na nakatutok ang mga mata ng ating pamahalaan sa mga nagaganap sa giyerang Israel at Hamas.

May dalawa kasing delikadong kalagayan na nadadawit sa nasabing giyera.

ISRAEL VS HEZBOLLAH

Isa sa delikadong kalagayan ang lumiliyab nang giyera ng Israel at Hezbollah na nakabase sa Lebanon.

Gumagalaw na ang Israel para dalhin ang malaking pwersa nito para harapin ang Hezbollah sa hangganan ng Israel at Lebanon.

Kung papasok ang mga Israelita sa teritoryo ng Lebanon para hantingin ang mga Hezbollah, ano sa palagay ninyo ang mangyayari?

Sa ngayon, ang mga drone at bomba ng mga Israelita ang pumapasok sa Lebanon na tumatarget sa mga Hezbollah kahit saan.

Panay naman ang palipad at pagpapasabog ng mga rocket ng Hezbollah sa mga pwesto militar, bayan at lungsod ng Israel na malapit sa nasabing hangganan.

ISRAEL VS EGYPT

Higit na mas delikado ang nagaganap sa pagitan ng Israel at Egypt.

Balak kasing pasukin at paalisin ng mga Israelita ang mga Palestino na nasa Rafah na bahagi ng Gaza Strip na nakadikit sa hangganan ng Egypt.

Sa Rafah naipon ang isang milyong Palestino na pinalayas pa-Rafah sa kasagsagan ng giyera sa North Gaza.

Binobomba na ng Israel ang ilang bahagi ng Rafah upang matakot at umalis ang mga refugee sa lugar patungo sa kung saang gusto ng mga Israelita para mahanap lang nila ang mga pwersang Hamas sa South Gaza.

Nagbabala ngayon ang Egypt na kung makanti ang teritoryo nito, mabubuwag na ang kasunduang pangkapayapaan ng Israel at Egypt.

Sa ulat nga, nagpadala na ng mga tangkeng pangdigma at sundalo ang Egypt sa hangganan nito sa Israel at sa Rafa para ipagtanggol ang mga Egyptian at teritoryo nito.

Inaabatan ng Egypt ang posibleng pagkasira ng border ng Israel at Egypt.

Kapag naganap ito, maaaring habulin ng mga Israelita ang mga Palestino na papasok sa Egypt at dito na magsimulang sisiklab ang gulo sa pagitan ng dalawang bansa.

Suspetsa ng Israel, sasama sa mga Palestinong huhugos sa Egypt ang mga Hamas na hinahanap nila at dinudurog.

LIBO-LIBONG PINOY MAAAPEKTUHAN

Sa Israel, may 30,000 Pinoy, karamihang overseas Filipino worker; sa Lebanon, may mahigit 33,000 OFW; at sa Egypt, may mahigit 4,000 na ligal at tago nang tago.

Ilan na nga ba ang umuwi mula sa Israel at sa Lebanon?

Paano nga kung  masasama sa giyera ang Lebanon at Egypt?

Paaano kung may sasali pang iba laban sa Israel at kakampi nitong United States at United Kingdom?

Paano kung magbubunga ito ng libo-libong Pinoy na madiskaril ang kalagayan at mapilitang umuwi sa Pilipinas.

Nasaan na ang mga paghahanda, lalo na ang gobyerno, para iligtas at ibakwit ang mga Pinoy?

Ang ayuda sa kanilang mga pamilya, paaano?

 

Previous articleCHINA’S PROGRESS THROUGH THE EYES OF A TRAVELER
Next articleS. Luzon, Visayas uulanin sa shear line