Home OPINION MAGKA-HOLDING HANDS KAHIT SA EUTHANASIA

MAGKA-HOLDING HANDS KAHIT SA EUTHANASIA

ANO nga ba meron ang pag-ibig sa literal at tunay na pakahulugan nito?

Pwede bang maituturing na parehong happy ang mag-darling na namamatay nang magka-holding hands sa iisang oras at bubong?

Pwede bang pagbigyan ang kahilingan ng mag-darling na magkasabay silang isailalim sa euthanasia?

Ginagamit ang euthanasia sa mga taong wala nang pag-asang mabuhay dahil, halimbawa, sa matinding kapansanan ngunit sumasailalim pa rin sa mga ligal at medikal na proseso, kasama ang pahintulot ng mga pinakamalapit nilang kamag-anak.

Ginagamitan ang mga namamatay ng mga kemikal o paraan na hindi sila kinakikitaan ng paghihirap bago malagutan ng hininga.

Pero wala talagang pag-asang muling mabuhay ang isinasailalim nito sa anomang dahilan gaya ng hindi pagtalab ng nakamamatay na kemikal at paraan.

PRIME MINISTER AT GIRL

Si dating Netherlands Prime Minister Dries van Agt at misis niyang si Eugenie van Agt-Krekelberg ang namatay sa euthanasia bago mag-Valentine’s Day.

Mahigit 70 taon na silang magdyowa at My Girl ang tawag ni Dries kay Eugenie.

Pareho nilang hiniling ang mamatay nang sabay lalo’t gulay na silang dalawa sa kanilang edad at wala nang lunas na mga sakit.

Matapos nito, inilibing silang dalawa sa isang pribadong seremonya sa Nijmegen City at nitong Pebrero 9, 2024 lang inilabas sa publiko ng pamilya ang pangyayari.

PANIG SA MGA PALESTINO

Sa parte ni Dries, nagtatalumpati siya noong 2019 sa isang pagtitipon ng mga Palestino nang atakehin ito ng pagdurugo sa utak at mula noon hindi na siya nakarekober at maging normal ang kalusugan at pamumuhay hanggang rumupok nang rumupok ang katawan nito, gayundin ang kanyang My Girl.

Dating miyembro ng Christian Democratic Party si Dries ngunit tinalikuran nito ang kanyang partido makaraan ang kanyang posisyon bilang Prime Minister.

Mula noon, tuluyan na siyang pumanig sa mga Palestino laban sa anomang bansang umaapi at nagpapahirap sa mga ito.

Dala-dala niya ang kanyang paninindigan hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay makaraang bumisita siya sa Israel noong 1999.

Ang kanyang pagbisita sa Israel ang naging tuldok upang ipanindigan nito ang mga Palestino.

Bago siya namatay, nababalitaan pa niya na sa loob lang ng apat na buwang giyera sa Palestine sa pagitan ng Hamas at Israel, malapit nang 29,000 palestino ang patay sa kamay ng Israel.

Sa pagpanig niya sa mga Palestino siya hinangaan ng iba’t ibang lider sa sarili niyang bayan gaya ni incumbent Dutch Prime Minister Mark Rutte, at King Willem-Alexander, Queen Máxima at Princess Beatrix.

Naiwan ng mag-asawa ang tatlo nilang anak.

EUTHANESIA AT VALENTINE’S DAY

Kung iisipin, mahirap tanggapin ang pinag-isang euthanasia at buhay na buhay na tao sa Valentine’s Day.

Pero ang euthanasia, ginagawa lang sa ibang bansa.

Kung meron man sa Pinas, nasa anyo ng pagligo ng gasolina saka sinisindihan, pagbigti, pagtalon mula sa matataas na gusali at iba pa.

Payo lang: Higit ninyong mahalin ang inyong buhay kaysa kamatayan.

Ipasakamay na lang sa Diyos ang walang hanggang pamamahinga.

Previous article14 pang Pinoy sa Gaza papauwiin na sa Pinas; madreng Pinay ‘di makontak
Next articleKris, sinabihang nakarma sa masamang ugali, pumalag!