MANILA, Philippines- Nalansag ng pulisya ang pagiging mag-partner-in-crime ng magkapitbahay sa pagbebenta ng ilegal na droga nang kumagat sa isinagawang buy-bust operation sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Nakumbinsi umano ni Reynaldo Acedera, alyas “Kalbo”, 43, ng Blk 3, Lot 40, Site 8, Brgy. NBBS Dagat-Dagatan ang kapitbahay na si Jenalyn Lumapac, alyas “Bibeng”, 42, na maging kasosyo niya sa negosyong pagbebenta ng shabu matapos ipangalandakan ang malaking kinikita sa ilegal na gawain.
Ang hindi alam ng dalawa, tinitiktikan na pala nina P/Capt. Luis Rufo, Jr. hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang kilos ni alyas “Kalbo” matapos pumutok ang kanyang pangalan na sangkot sa malakihang bentahan ng shabu sa Barangay NBBS.
Nang kumagat ang dalawa sa pain ng mga tauhan ng SDEU hinggil sa pagbili ng P500 halaga ng shabu sa Matangbaka St. Brgy. NBBS-Dagat-Dagatan ay agad silang dinampot ng mga operatiba, dakong alas-3:20 ng madaling araw.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio “Pojie” Penones, Jr. sinabi ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig na nakumpiska sa mga suspek ang humigit kumulang sa 55.27 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P375,836.00, pati na ang P500 markadong salapi at isang unit ng cellular phone na gamit nila sa pagsasagawa ng transaksiyon.
Ani Cpt. Rufo, nakatakdang iprisinta ang mga suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office upang isailalim sa inquest proceedings kaugnay sa kakaharapin nilang kasong pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga sa ilalim ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura