SAMAL, Bataan-PATAY ang magpinsang lalaki habang sugatan ang kanilang tiyuhin matapos silang tamaan ng kidlat kahapon sa bayang ito.
Kinilala ang mga nasawi na sina Elvin Sacris, 26 at Kevin Sacris, 22, habang nilapatan naman ng lunas sa ospital ang kanilang tiyuhin na si Eddie Sacris lahat ay residente sa nasabing bayan.
Batay sa report ng Samal Risk Reduction Management Office, nasa bukid ang tatlo ng bigla na lamang bumuhos ang malakas na ulan na may kasamang malakas na kulog at kidlat.
Dahil dito, sumilong ang tatlo sa may puno ng niyog subalit tinamaan ito ng kidlat kaya nagpasyang lumipat sa kubo ang mga biktima na ang bubong ay gawa naman sa metal.
Sumunod na kidlat ay tumama ito sa metal ng bubong at kuryente kaya tinamaan ang mga biktima at pumasok sa katawan nila ang malakas na boltahe ng kuryente na naging sanhi ng agaran kamatayan ng magpinsan.
Dinala naman sa ospital si Eddie at nilapatan ng lunas na ngayon ay nasa maayos ng kondisyon. Mary Anne Sapico