ECHAGUE, ISABELA-Pinaglalamayan na sa ngayon ang isang magsasaka matapos bumangga ang kanyang minamanehong motorsiklo sa kahabaan ng Barangay Sinabbaran, Echague, Isabela.
Kinilala ang nasawing biktima na si Faustino Managuelod, 47 anyos, may asawa at residente ng Purok 3, Gumbaoan, Echague, Isabela habang ang jeepney driver ay kinilalang si Jervy Balauag, 37 anyos at residente naman ng Brgy. Tuguegarao dito rin sa nabanggit na bayan.
Una rito, binabagtas ni Managuelod ang daan patungo sa kanyang tirahan at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay aksidente nitong nabangga ang nakaparadang jeep sa kanang bahagi ng kalsada kahit pa na ito ay naka-hazard light.
Bilang resulta, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Managuelod na kaagad namang naisugod sa pagamutan ngunit kalauna’y binawian rin ng buhay.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang tsuper ng jeep para sa kaukulang imbestigasyon at tamang disposisyon. Rey Velasco